164 total views
Tinitiyak ng Commission on Elections o COMELEC na maging matagumpay at tumaas ang voters turn-out sa nakatakdang Overseas Absentee Voting sa ika-9 ng Abril, 2016.
Iginiit ni COMELEC Commissioner Luie Tito Guia na tungkulin ng kumisyon na makakaboto ang lahat ng kuwalipikadong botante nasaang mang panig ng mundo.
Itinuturing din ni Guia na magandang implikasyon ng mas malawak na interes at pakikilahok ng bawat Filipino ang 100-porsiyentong pagtaas sa bilang ng OFW registered voters para sa nakatakdang halalan.
Inihayag ng COMELEC na may 30 Philippine Embassies sa iba’t-ibang bansa ang pagdaraosan ng Absentee Voting ng tinatayang 1.37-milyon na OFW Registered Voters.
Sinasabi ng COMELEC na aabutin ng 20-minuto ang bawat botante bago makumpleto ang isang balota.
Sa datos ng kumisyon, noong 2010 ay umabot lamang sa 25.99-percent ang Overseas voter turnout kung saan mahigit sa 150-libong OFW lamang ang bumoto mula sa mahigit 580-libong overseas registered voters.
Samantala, naninindigan naman ang CBCP na ang pagboto ay isang natatanging kapangyarihan ng bawat mamamayan at isa ring pangunahing daan sa pagkamit ng tunay na demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.