381 total views
Humihiling ng panalangin ang mga Obispo ng Simbahang Katolika sa mga mananampalataya para sa nakatakdang pagpupulong ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa July 7-9 sa Pope Pius XII, Manila.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos-Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI), nawa ang bawat isa ay puspusin ng Banal na Espiritu sa pagtalakay at pagpapasya sa mga usapin may kinalaman sa mga mananampalataya at sa bansa.
“Send your Holy Spirit so that they will be inspired they will be encouraged- that they will be safe guard to fulfill their responsibility and roles amidst the threat, amidst the danger, amidst the suffering they are going to face,” bahagi ng panalangin ni Bishop Santos.
First timers
Unang pagkakataon namang dadalo sa plenary assembly sina Mati Bishop Abel Apigo at San Fernando La Union Bishop-elect Daniel Presto.
“As a new bishop, pray for all of us shepherds of the church na sana sa panahon ngayon na maraming challenges, maraming hamon, makatugon kami sa talagang kailangan ng flock ng our Lord Jesus Christ. We are asking people to pray for us,” ayon kay Bishop Apigo sa Radio Veritas
Bagama’t tatlong taong naging administrator ng Iba, Zambales- ito naman ang unang pagkakataon ni Bishop-elect Presto na dumalo sa plenaryo bilang Obispo.
“Pray for us. Medyo kinakabahan siyempre”, pahayag ni Bishop-elect Presto.
Si Bishop-elect Presto ay nakatakdang ordinahan bilang Obispo sa July 30 sa St. Columban Parish, Olongapo City at itatalaga bilang obispo ng La Union sa San Fernando La Union Cathedral sa August 2, 2018.
Ngayong taon, bukod kina La Union Bishop-elect Presto at Mati Bishop Apigo, kabilang din sa mga unang pagkakataong dadalalo sa ‘plenary assembly’ sina Bishops Raul Dael ng Tandag; Bartolome Santos ng Iba; Louie Gabines ng Kabankalan; Cerilo Casicas ng Marbel at Medil Aseo, Tagum.
Plenary agenda
Sinabi ni Bishop Santos na pangunahing tatalakayin sa pulong ang paghahanda ng simbahan para sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa na ipagdiriwang sa 2021.
Maari ding tukuyin sa pulong ang pagtatalaga ng mga kinatawan ng simbahan para sa pakikipag-usap sa binuong 4-man panel ng Malacañang na pinangungunahan ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
“Sa aking palagay, pag-uusapan ‘yan ng permanent council meeting para maging official,” ayon sa obispo.
Ito ay kaugnay na rin sa kontrobersyal na pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte laban sa relihiyon lalu na ang Katolisismo.
Una na ring isinagawa ang preliminary meeting sa pagitan ng kinatawan ng Malacanang at ng simbahan na pinangunahan ni Imus, Cavite Bishop Reynaldo Evangelista, chairman; at Fr. Jerome Secillano-executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs.
Nilinaw din ni Fr. Secillano na ang naganap na pag-uusap kamakailan ay initial meeting kung ano ang mga dapat na pag-usapan at kung sino ang haharap bilang mga kinatawan sa panig ng simbahang Katolika.
Una na ring inihayag ni Cebu Archbishop Jose Palma ang posilidad na maisama sa pulong ng mga obispo ang isyu ng mga pahayag ng pangulo laban sa simbahan.
Tinukoy din ni CBCP president, Davao Archbishop Romulo Valles na maari ding talakayin ang ‘security protocol’ kaugnay naman sa sunod-sunod na pagpatay sa mga pari kabilang na sina Fathers Richmond Nilo; Mark Anthony Ventura at Fr. Marcelito Paez.