165 total views
Mga Kapanalig, malaking isyu ngayon sa Amerika ang paghihiwalay ng mga magulang at mga anak na iligal na pumapasok sa border sa timog ng bansa. Sa kagustuhan kasing takasan ang kaguluhan sa kanilang bansa gaya ng Guatemala, Honduras, El Salvador, at Mexico, may mga pamilyang buwis-buhay na tumatawid sa border ng Amerika. Ito ay sa kabila ng zero-tolerance policy ng America na pumipigil sa pagpasok ng mga dayuhan sa Amerika, kahit pa humantong ito sa paghihiwalay ng mga bata sa kanilang mga magulang. Talaga namang nakadudurog ng puso ang mga larawan at video ng mga umiiyak na paslit.
Nagsimula noong nakaraang buwan ito ang zero-tolerance policy ng administrasyon ni Pangulong Trump kung saan ituturing na kriminal ang mga mahuhuling ilegal na tumatawid patungo sa Estados Unidos. Ano ang ibig sabihin nito? Bago ang patakarang ito, dinadala sa detention centers ang mga mahuhuling migrante habang kanilang hinihintay ang hatol ng immigration judge kung kinakailangan silang i-deport o pabalikin sa kanilang pinagmulan. Sa ilalim ng zero tolerance policy, dahil itinuturing silang kriminal sa halip na mga migrante, ipipiit sila sa federal jail habang pinagdedesisyunan ang kanilang kaso. Sapagkat hindi maaaring ikulong ang mga bata, inihihiwalay sila sa kanilang mga magulang. Sa ilalim ng bagong patakarang ito, itinuturing ang mga bata na “unaccompanied minors” (o mga menor de edad na walang kasama) kaya’t dinadala sila sa mga holding centers ng Department of Health and Human Services.
Mula nang ipatupad ang zero tolerance policy noong Mayo hanggang ngayong buwan, aabot na sa mahigit dalawang libong bata ang inihiwalay sa kanilang mga mga magulang. Hindi lamang ang paghihiwalay ng mga magulang at anak mali sa patakarang iyon ni Pangulong Trump. Pangmatagalang trauma ang dulot nito sa mga bata. Ayon sa mga kritiko, mistulang Nazi concentration camps ang holding centers dahil nilalagyan pa ng numero ang mga bata upang matukoy kung sino ang kanilang mga magulang. Marami na ang tumutol sa patakarang ito, at tinatawag itong malupit at hindi makatao maging ang kanyang mga kapartido.
Dahil sa matinding kritisismo, binawi na ni Pangulong Trump ang kanyang patakaran. Maliit na tagumpay ito upang mabigyang proteksyon ang mga migrante, lalung-lalo na ang mga bata, ngunit hindi malinaw kung paanong maibabalik muli sa mga magulang ang kanilang mga anak.
Mariing tinutulan ng mga obispo ng Simbahang Katoliko sa Amerika ang zero-tolerance policy ni Pangulong Trump. Hindi makatao at hindi Katoliko ang paghihiwalay sa mga pamilya, na silang pundasyon ng ating lipunan. Kung layunin ng pangulo ng Amerika na gawing dakila ang kanilang bansa, hindi ang pagiging malupit sa mga migrante ang daan patungo roon. Sinang-ayunan ni Pope Francis ang posisyon ng mga obispo. Dagdag pa niya, kinakailangang tanggapin, tulungan, at gabayan ang mga migranteng naghahanap ng pagkalinga sa labas ng kanilang bansa. Sa hiwalay na pahayag noong simula ng taon, sinabi rin ni Pope Francis na ang migration ay hindi lamang isyu ng iisang bansa: isyu ito ng lahat ng bansa. Kaya naman, kailangang-kailangan ang pag-uusap ng mga lider upang makabuo ng solusyong makatao at may pagkilala sa dignidad at halaga ng bawat isa.
Mga Kapanalig, gaya rin ng paalala sa atin ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, malugod nating tanggapin ang mga estranghero katulad ng pagtanggap natin kay Hesus. Hindi ba’t nagawa na natin ito noong tinanggap natin ang mga “boat people” mula sa Vietnam noong panahon ng Vietnam War at ang mga Hudyong nais makatakas sa rehimeng Nazi?
Gayunman, tanungin pa rin natin ang ating mga sarili: Sinu-sino ang mga estrangherong kumakatok sa atin ngayon? Paano natin sila tinatanggap? Paano natin kinakatagpo ang ating kapwang “iba” sa atin?
Sumainyo ang katotohanan.