623 total views
Mahalaga ang papel ng mga opisyal ng barangay upang maprotektahan ang kapanakanan ng mamamayan sa kampanya ng Philippine National Police laban sa mga tambay sa lansangan.
Ipinaliwanag ni dating Solicitor General Florin Hilbay na ang mga opisyal ng barangay ang maging tagapamagitan sa pakikipag-ugnayan sa mga pulis upang matiyak ang seguridad at kapakanan ng mga sibilyan sa implementasyon ng kampanya.
Iginiit ni Atty. Hilbay na bilang mga halal na opisyal ay mayroong tungkuling dapat na gampanan ang mga nasa barangay na tiyakin ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.
Sa tala, umaabot na sa higit 10-libong indibidwal ang naaaresto ng Philippine National Police mula ng ihayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong ika-13 ng Hunyo ang direktiba na hulihin ang mga tambay sa kalye na maituturing na potensyal na banta sa publiko.
Samantala, naunang nilinaw ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na kailangang isaalang-alang ng mga otoridad ang kalagayan ng mga mahihirap.
Read: Ikonsedera ang kalagayan ng mga mahihirap sa “Oplan Tambay”
Batay sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB), umaabot sa 42,027 ang kabuuang bilang ng mga barangay sa Pilipinas.