187 total views
Napapanahon at naaakma ang panukala ng Department of Education na muling tutukan ang pagkakaloob ng asignaturang Good Manners and Right Conduct sa mga kabataan.
Ito ang reaksyon ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay sa GMRC program ng DepEd.
Ayon sa Obispo, dahil sa paglakas ng impluwensiya ng paggamit ng Internet at Social Media ay lubos na kinakailangan ng mga kabataan ang paggabay sa pagkakaroon at paghubog ng mabuting ugali at asal.
Dahil ditto, nagpahayag ng pagkilala at pagsuporta si Bishop David hindi lamang sa panukala kundi maging sa kalihim ng kagawaran dahil sa layunin nitong muling maibalik bilang asignatura ang Good Manners and Right Conduct o GMRC.
“Saludo ako sa secretary ng Department of Education, napakabuting panukala niyan, lalo na sa mundo ngayon ng Social Media, masyadong nasasanay yung mga tao siguro dahil hindi nakikita yung kausap nila na nawawalan ng modo, nawawalan ng pag-galang, walang respeto sa pananalita, ako nung bata ako napaka-halagang subject sa amin ng Good Manners and Rights Conduct sana ito ay talagang maging isang seryosong subject at makabuti talaga sa pag-uugali ng ating mga kabataan…” pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaang unang lumabas sa pinakabagong Digital 2018 report ng London, United Kingdom-based consultancy na We Are Social na nangunguna pa rin ang Pilipinas sa Social Media Usage sa buong mundo kung saan umaabot sa 9 na oras at 29 na minuto kada araw ang ginugugol ng nasa 67-milyong internet users sa bansa kabilang na ang mga kabataang edad 5-taong gulang pataas.
Sa ilalim ng panukala ay inaasahang ang muling pagsusuri sa K-12 Program upang maidagdad ang Good Manners, Right Conduct at Proper Values mula Kindergarden, Grade 1 at Grade 2 na naglalayung mapalakas ng kagawaran ang basic values ng mga kabataan mula sa murang edad pa lamang.
Nauna ring ibinahagi ni Diocese of San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, Chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Clergy na dapat unang magsisimula sa mga magulang, mga nakakatanda at mga lider ng bansa ang ang paghubog ng mabuting asal ng mga kabataan.