259 total views
Patuloy na tinutugunan ng Simbahang Katolika ang pangangailangan ng mga residente sa isla ng Boracay na apektado ng anim na buwang pagsasara.
Ayon kay Rev. Fr. Jose Tudd Belandres, ang Parish Priest ng Our Lady of the Most Holy Rosary Parish sa isla ng Boracay, hindi nagpabaya ang Simbahan sa pangangailangan ng mga mananampalataya sa lugar.
Ibinahagi ng Pari na nangunguna ang Caritas Manila at Catholic Bishops Conference of the Philippines National Secretariat for Social Action o CBCP-NASSA sa paghahatid ng tulong lalo na sa mga mag-aaral at kabataan sa lugar.
“Sa simbahan naman po thru the help of CBCP-NASSA po, yung Caritas Manila, gaya ng opening ng school, namigay po tayo ng mga school supply sa lahat ng mga pupils at estudyante. Tapos by July mag-uumpisa na rin yung ating feeding program sa lahat ng mga kindergarten, day care centers.” pahayag ni Fr. Belandres sa Radio Veritas.
Sinabi ng Pari na mahigit sa 2-libong mag-aral ang nabigyan ng School supplies habang higit sa 2 – libo ring mga kabataan ang Benepisyaryo ng feeding program.
Bukod dito, magkakaloob din ng tulong legal ang Simbahan sa mga mangangailangan ng payo partikular na ang mga apektadong manggagawa sa lugar.
Inihayag din ni Father Belandres ang pagkakaroon ng Medical Mission na pangungunahan ng Simbahan sa ika 20 hanggang ika – 22 ng Hulyo na bukas para sa lahat ng mga residente sa isla ng Boracay upang matiyak ang kalusugan ng bawat mamamayan.
Magugunitang ika – 26 ng Abril ng pormal na isinara sa Publiko ang Boracay para sa gagawing pagsasaayos at rehabilitasyon matapos makitaan ng paglabag sa batas pangkalikasan ang karamihan sa mga Establisimiyento sa isla.
Batay sa ensiklikal ni Pope Francis na Laudato Si mahalagang pangalagaan ang kalikasan upang maiwasan ang pagkasira nito na labis makakaapekto sa mga susunod na Henerasyon.