311 total views
Ang mga mamamayang Filipino ang dapat na mas maunang kumilos at gumawa ng hakbang para sa bayan sa halip na ang mga dayuhan.
Ito ang panawagan sa mga mamamayan ni Bro. Gerry Bernabe – Vice President ng Philippines Action for Youth Offenders at Convenor ng Coalition Against Death Penalty kaugnay sa kawalan ng reaksyon at tugon ng mga Filipino sa nagaganap na karahasan sa Bansa.
Iginiit ni Bernabe na kinakailangan na magkaroon ng National Recovery sa bansa sapagkat nakababahala na mas mayroon pang pakialam at simpatya ang mga dayuhan at iba pang International Organizations para sa kapakanan at kalagayan ng karapatang pantao ng mga mamamayan kaysa sa mismong mga Filipino.
“Yun ang nakakabahala ano, talagang ang mas nakakakita ng sitwasyon sa Pilipinas ay yung nasa labas samantalang yung nasa loob ay wala tayong pakialam, pumapalakpak pa tayo, natutuwa pa tayo sana pakinggan natin itong mga boses na ito at tayo kailangan talagang magkaroon tayo ng national recovery para dito, ang mga Filipino talaga ang kailangang makakita kung ano talaga ang problema…” pahayag ni Bernabe sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaang noong nakalipas na buwan ay muling umapela ang 38-member states ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa Gobyerno ng Pilipinas na tuluyan ng wakasan ang Kampanya laban sa illegal na droga at makipagtulungan upang imbestigahan ang human Rights Situation sa bansa.
Kaugnay nito, sa tala mismo ng Philippine National Police tinatayang umaabot na sa 23-libong indibidwal ang nasawi sa ilalim ng Duterte Administration sinasabing dulot ng naging malawakang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Samantala, patuloy rin ang panawagan ng Simbahang Katolika para sa katarungan ng lahat ng mga napaslang sa naturang kampanya kung saan karamihan ay hindi pa napatutunayan at nahahatulan ang pagkakasala ng hukuman.