1,813 total views
Napapanahon na upang magkaroon ng radical change sa larangan ng pulitika sa bansa.
Ito ang panawagan ni Father Raul Enriquez, dating Secretary General at spokesman ng religious group na Gomburza at Convenor ng Mga Paring Laudato Si sa mga mamamayan.
Ayon sa Pari, dapat na mapagnilayan ng bawat isa na bunga ng magulong takbo ng pulitika sa Pilipinas ang nararanasan ng mga mamamayan na labis na kahirapan at malaking agwat sa buhay ng mga mahihirap at mga mayayaman.
Iginiit ni Father Enriquez, magkakaroon lamang ng pagbabago sa bansa kung magkakaroon ng radikal na pagbabago sa larangan ng pulitika, sa sarili ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng pagsisisi, paghingi ng awa at pagbabalik loob sa Panginoon.
“Pagnilayan natin at ating tanggapin na talagang pulitika ang naging dahilan kung bakit tayo nagkaganito sobrang kahirapan, sobrang kamangmangan, sobra ang agwat ng mahirap sa mayaman samakatuwid kung lason iyan bakit pa tatanggapin natin iyan, gumawa tayo ng paraan na mawala iyan talagang bagong sistema, bagong istruktura na magmumula sa atin muna there should be a radical change tayo muna. The radical call on the Lord is inner change, magbago talaga tayo malalim at napakabait ng Diyos awang-awa na sa atin at panahon na siguro para ito ay simulan na natin ngayon…” pahayag ni Father Enriquez sa panayam sa Radyo Veritas.
Binigyan diin ng Pari na dapat tanggapin ng bawat Filipino na mayroong matinding problema na kinahaharap ang bansa at hindi ito matutugunan ng pulitika.
“Talagang may matinding problema ang Pilipinas at kailangang harapin natin iyon at kailangang magpakumbaba tayo, wala tayong maaasahan kundi si Lord, wala tayong maaasahan sa pulitika talagang bigong-bigo tayong lahat sa larangan ng pulitika panahon na para pagnilayan natin yan, ano ang gagawin natin para maging mabuti ang pulitika, maging banal ang pulitika…” dagdag pa ni Fr. Enriquez.
Nauna ng nanawagan ng pakikiisa at pakikibahagi ang religious group na ‘Mga Paring Laudato Si’sa malawakang pananalangin ng mamamayang Filipino para sa kapakanan ng buong bansa sa ilalim ng gabay sa Panginoon upang mawakasan na ang walang habas na pagpatay, karahasan, katiwalian at kasinungalingan sa lipunan.
Nanawagan rin ang grupo na kundinahin ang kawalan ng katarungan sa mga naganap na pang-aabuso at karahasan kung saan walang naparurusahan sa mga kaso ng pagpaslang hindi lamang sa 3 Pari kundi sa mahigit 23-libong indibidwal na sinasabing may kaugnayan sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.