173 total views
Hinimok ni Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco at Apostolic Administrator of the Diocese of Malolos ang mga kabataan na maging mabuting halimbawa na nagsasabuhay ng kalooban ng Diyos.
Ayon sa Obispo, natatangi ang mga kabataang Katoliko sa kasalukuyan dahil sa kakayanan nitong manindigan sa kung ano ang tama at ipagtanggol ang kanilang pananampalataya.
Dahil dito naniniwala si Bishop Ongtioco na ang pagpapakita at pagbabahagi ng pag-asa, kababaang loob, at pagiging bukas sa pagtanggap ng kapwa ang isa sa mga paraan upang maipalaganap sa iba pang kabataan ang mga turo ni Hesukristo.
“Maging modelo sa hope, humility, openess, perseverance and example, maging halimbawa sila… Nandun rin ang kakayahan ng kabataan, kering-keri nila yung tumayo, manindigan sila sa kanilang pananampalatayang pinaniniwalaan, huwag sumama sa agos ng ibang kabataan, yun ang hamon sa lahat ng dumadalo dito, ipagpatuloy yung relentless2 sa kanilang mga parokya, sa kanilang mga sariling community.” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Bishop Ongtioco, tunay lamang na maipalalaganap ang mga salita ng Diyos kung mapananatili ng mga kabataan ang alab ng kanilang mga pananampalataya.
Naniniwala ang Obispo na ang patuloy na mga pag-aaral at iba’t-ibang mga aktibidad ay makatutulong upang madagdagan ang kaalaman ng mga kabataan at mapanatili o mapag-alab pa ang kanilang pananampalataya.
“You can spread fire if you are on fire, so kailangan alagaan ang pananampalataya, ito ay inaalagaan sa kawanggawa sa pag darasal, pakikinig, pakikibahagi ng ating mga karanasan kung papano pinapakita ng Diyos ang kanyang malalim, mayaman na pagmamahal.” Dagdag pa ni Bishop Ongtioco.
Noong ika-30 ng Mayo ipinagdiwang ng Lord’s Flock Catholic Charismatic Community ang concert nito na “Relentless2” na dinaluhan ng libu-libong mga kabataan mula sa iba’t-ibang Diyosesis.(Yana Villajos)