161 total views
Hindi nararapat na maapektuhan o mabago ang tunay na interpretasyon sa kahulugan ng sakramento ng kasal dahil lamang sa ibang mga argumento na ikinakabit dito.
Ito ang binigyang diin ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza kaugnay sa argumento ng mga nagsusulong sa pagsasabatas ng Same Sex Marriage na magkaroon ng pantay na karapatan sa ari-arian at yaman ang mga nagnanais na magpakasal mula sa LGBTQ community.
Iginiit ng mambabatas na hindi dapat paghaluin ang karapatan sa pagmamay-ari ng ari-arian at yaman ng magkabiyak sa buhay at ang kasal na ang tuwirang diwa at pakahulugan ay ang pagsasama ng isang babae at lalake upang bumuo ng isang pamilya.
Paliwanag ni Atienza, walang kinalaman ang pagmamay-ari ng mga ari-arian sa pagbabago ng interpretasyon ng kasal ng isang sagradong sakramento.
“Pinaghahalo nila yung argumento, iba yung karapatan sa pagbibigay ng ari-arian, iba yung babaguhin ang interpretasyon sa ibig sabihin ng kasal ang kasal ay kasal ang pagsasama ng isang babae at lalake na ang pakay ay bumuo ng pamilya. Sinasabi nilang argumento yung karapatang magbigay ng mana let us not touch on the sacredness hindi naman nagkakasal para lang sa kasiyahan.” pahayag ni Atienza sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ikinagalak ng mambabatas ang resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Station kung saan lumabas na 61-porsyento ng mga Filipino ang tutol na gawing legal ang Same Sex Marriage sa bansa kung saan tanging 22 porsyento lamang ang nagsabing sila ay pabor.
Kung susumahin tanging 2 lamang sa 10 Filipino ang pabor sa naturang panukala.
Samantala, naninindigan rin ang Simbahang Katolika sa kasagraduhan ng Sakramento ng Kasal kung saan nasasaad rin sa mismong mga polisiya sa Saligang Batas na pumuprotekta sa pagpapamilya tulad ng Family Code na ang pagpapakasal ay nararapat sa pagitan lamang ng isang lalake at isang babae.