225 total views
Hinimok ni Rev. Fr. Dan Vicente Cancino, MI ang executive secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Healthcare ang bawat mamamayan na makiisa sa pagpigil at pagsugpo ng HIV-AIDS sa bansa sa pamamagitan ng pagpapakonsulta sa mga pagamutan.
Binigyang diin ng pari na kung mas maaga malaman na positibo sa HIV ang tao mas maagapan ang pagbibigay ng Atensyong Medikal.
“Kung gustong makatulong huwag tayong matakot magpa-test libre po yan, huwag po tayong matakot malaman kung ano yung ating totoong sitwasyon, take note early detection, early treatment at kung may early treatment mas maaga ka mabigyan ng gamot mas hahaba po ang buhay natin.” pahayag ni Fr. Cancino sa Radio Veritas.
Sinabi ni Father Cancino na may mga ospital sa Metro Manila at maging sa iba pang lalawigan sa bansa ang nagbibigay ng libreng pagpapakonsulta at kung magpopositibo, ito ay irerefer sa mga treatment hubs kung saan katuwang ang Simbahang Katolika.
Sa tala mahigit sa 30 ang mga treatment centers sa bansa at 18 dito ang nasa Metro Manila.
Mayroon ding iba’t ibang programa ang Simbahan para sa HIV-AIDS tulad ng paglingap at pagkupkop sa mga person living with HIV lalo na ang mga inabanduna ng kanilang pamilya.
Bukod dito ay pinalalakas din ng Simbahan ang HIV awareness sa pangunguna ng Philippine Catholic HIV AIDS Network (PhilChan) katuwang ang ilang sektor at grupo sa bansa sa mga paaralan, diyosesis, at maging sa mga Basic Ecclesial Communities upang lalong mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga mamamayan hinggil sa sakit para makaiwas dito.
“Mayroon tayong iba’t ibang programa, una mayroon tayong Prevention, pag sinabi nating prevention nagfofocus tayo on awareness HIV Awareness pero inuumpisahan natin lagi on human Sexuality at pagdating ng Awareness pumupunta tayo sa iba’t ibang eskwelahan, Basic Ecclesial Communities (BEC), mga schools at Diocesans.” dagdag ng pari.
Samantala, nagpahayag din ng pagsuporta sa adbokasiya ng Simbahan na sugpuin ang paglaganap ng HIV-AIDS si Yasmien Kurdi, kilalang indibidwal sa larangan ng pag-arte sa telebisyon.
Aniya, dapat magkaisa ang bawat mamamayan na masugpo ang HIV AIDS at paalala sa mga mamamayan partikular sa mga kabataan na mag-ingat upang makaiwas sa naturang Virus.
“Number 1 diyan ay abstainance hanggat hindi kayo kasal huwag makipagtalik, pre-marital sex is a No-No and then pangalawa be loyal, do not Commit Adultery na iba iba yung mga partners tapos magkakahawaan siguro yun ang mga bagay na dapat iwasan ng mga kabataan or ng mga tao para maiwasan ang pagkalat ng HIV AIDS.” pahayag ng aktres sa Radio Veritas.
Kahapon, ika – 8 ng Hulyo matagumpay ang ang isinagawang Walk the Talk ng Diocese ng Antipolo na dinaluhan ng mahigit 2 – libong mananampalataya mula sa iba’t ibang mga parokya at Catholic schools ng Diocese.
Ito ay pinangungunahan ng Philippine Catholic HIV AIDS Network na layong ipalaganap ang edukasyon at kamalayan sa bawat mamamayan hinggil sa HIV AIDS.
Sa tala ng Department of Health may higit 11,103 ang kaso noong 2017 o 19 percent na pagtaas kumpara sa taong 2016 na 9,264.
Paalala pa ni Fr. Cansino sa publiko na isa sa pangunahing tugon para mabawasan ang bilang ng pagkahawa ay ang pagpapahalaga sa katawan bilang templo ng Diyos.