827 total views
Kinondena ng isang Pari mula sa Diocese ng Legaspi ang lumabas na ulat sa isang News Agency ng Pamahalaan na sinasabing pagsuporta ng may mahigit sa 6 na libong kinatawan mula Bicol Region sa Federalismo na siyang isinusulong ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Legaspi Social Action Director Rev. Fr. Rex Paul Arjona, sila mismo mula sa tanggapan ng Social Action Center ng Diocese of Legaspi ay nagpadala ng mga kinatawan para makinig sa layunin at adhikain ng Federalismo ngunit hindi ito nangangahulugan ng direktang pagsuporta gaya ng ipinalalabas sa ulat.
Naniniwala si Father Arjona na hindi kailangan gumawa ng mga ganitong ulat ng news agency ng pamahalaan para lamang mapapaniwala ang publiko na marami na ang sumusuporta sa Federalismo.
“Kasi nagpunta po doon yung mga tao kasama na yung ating mga kasamahan para makinig hindi para necessarily sumuporta at alam din natin, nasiguro po natin na maraming mga pumunta doon ay dahil ni-require sila,” pahayag ni Father Arjona sa Radio Veritas.
Nababahala si Father Arjona na ang diskarteng ito ng Pamahalaan ay magdudulot ng ibayong kalituhan at panloloko sa saloobin ng taongbayan. “Kung wala namang tinatago hindi kailangang manloko, kung maayos naman ang nais gawin kung para sa ika-aayos ng bansa hindi kailangang daanin sa panloloko, hindi kailangang daanin sa pamumuwersa,” Giit ni Fr. Arjona.
Ika-7 ng Hulyo ng maglabas ng artikulo ang PTV4 at PIA-Bicol na nagpapahayag ng pagsuporta ng may anim na libong Bikolano sa Federalismo na ginanap sa Albay Astrodome noong Biyernes, ika-6 ng buwang kasalukuyan.
“Sa mga ganitong pamamaraan, hindi talaga maiiwasan na magkaroon ng suspetsa na they are not up to any good,” Ani pa ni Father Arjona.
Magugunitang ang Social Action Center ng Legaspi ay aktibo sa mga programa na naglalayong makatulong sa mga mahihirap at naapektuhan ng kalamidad partikular na sa tuwing pumuputok ang bulkang Mayon.
Naunang lumabas sa March 23-27, 2018 survey ng Social Weather Station na 37-porsiyento lamang ng mga Filipino ang sumusuporta sa Federal form ng gobyerno at isa sa apat na Filipino ang walang kaalam-alam sa nasabing sistema ng pamamahala.