247 total views
Inanyayahan ni Father Edwin Fontanilla, Parish Priest ng Shrine of Nuestra Señora Virgen del Mar Cautiva, sa Sto. Tomas, La Union ang mga mananampalataya na bisitahin ang kanilang Grand Marian Exhibit na bahagi ng pagdiriwang ng ika-173 taong anibersaryo ng pagdating ng Mahal na Birhen del Mar Cautiva sa La Union.
Ayon sa pari, layunin nito na mapalalim pa ang pagkakakilala at debosyon ng mga mananampalataya kay Maria at maipakilala pa sa mga deboto at pilgrims ang iba pang mga taguri sa Mahal na Ina.
“Naisip namin na ngayong taon na ito, magkaroon ng exhibit para magkaroon ng Mariology or Marian catechesis, para mapalalim yung pananampalataya at debosyon ng mga tao. At sa pamamagitan ng exhibit na ito makikita ng mga devotees at mga pilgrims na pupunta dito, na si Blessed Mother pala ay hindi lang Queen of all Saints pero maraming mga titulo na nagpapakita na siya ay importante,” pagbabahagi ng pari sa Radyo Veritas.
Ang Grand Marian Exhibit ng Shrine of Nuestra Señora Virgen del Mar Cautiva ay pormal na binuksan sa publiko kahapon, ika-10 ng Hulyo at mananatili hanggang sa ika-22 ng buwan simula alas otso hanggang alas singko ng hapon.
Kabilang sa mahigit sa 50 imaheng matutunghayan dito ay mga Canonical Images ng Mahal na Birhen, tulad ng Our Lady of Namacpacan, Our Lady of Charity, at Our Lady of Manaoag.
Iniimbitahan din ni Father Fontanilla ang mga mananampalataya na makiisa sa Sanglad Festival sa mismong kapistahan ng Mahal na Birhen sa ika-19 ng Hulyo.
Kabilang sa mga gagawing programa dito ang fluvial parade na pagsasadula sa pagdating ng Nuestra Señora Virgen del Mar Cautiva sa Sto. Tomas, La Union noong 1845.