201 total views
Hinimok ng Kanyan Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga kabataan na pagtagumpayan ang iba’t-ibang uri ng mga hadlang upang magkaisa ang sangkatauhan.
Ito ay matapos ang tatlong araw na pagsasagawa ng Genfest 2018 sa World Trade Center, Pasay City na nagsimula noong ika-6 ng Hulyo hanggang ika-8 ng buwan.
Sa tema ng pagtitipon na “Beyond All Borders”, partikular na binigyang diin ng Kardinal ang tatlong uri ng hadlang sa pagkakaisa ng mga tao.
Una, ay ang pagiging “Bias” at pagkakaroon ng Diskriminasyon dahil lamang sa pagtingin ng tao sa kanyang kapwa bilang mas mababang uri.
Ikalawang punto ni Kardinal Tagle ay “Go Beyond Friendly Borders”; hinikayat nito ang mga kabataan na huwag lamang magpunta sa mga lugar na tayo ay malugod na tinatanggap, kundi tulad ni Ezekiel na maging handa na harapin ang mga pagsubok na kaakibat ng pagpapalaganap ng mabuting balita ng Panginoon sa mga lugar na hindi tayo katanggap-tanggap.
Panghuli, sinabi nito na bago tuluyang mapagtagumpayan ng isang tao ang mga “Borders” o hadlang na ito, ay kinakailangang mapagtagumpayan muna niya ang mga pagsubok sa kanyang kalooban o ang “Inner border”.
Ipinaliwanag ng Kardinal na ang bawat tao ay may kahinaan na isa ring hadlang sa pag-abot sa ating kapwa at upang mapagtagumpayan ito ay kinakailangang hingin natin ang grasya ng Panginoon.
Samantala, sa pagtatapos ng kanyang Homiliya, humingi ng tawad si Kardinal Tagle sa mga kabataan dahil ang mundong maipapasa ng kanilang Henerasyon ay puno ng pagkakahati-hati, kaguluhan at pagkasira ng kalikasan.
Aniya, naniniwala siyang dahil sa sigla at lakas ng kalooban ng mga kabataan ay mapagtatagumpayan ng mga ito ang mga pagsubok na naghahati-hati sa mga tao.
Payo pa ng Kardinal, marapat na laging mapaghari ng mga kabataan ang pag-ibig sa kanilang mga puso dahil ito ang magiging susi upang tunay na magkaisa ang buong mundo sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kulay, lahi, kultura at paniniwala.
Read: His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle Culminating mass of Genfest 2018