248 total views
Mga Kapanalig, patuloy ang pangingibabaw ng karahasan sa ating bansa. Noong nakaraang Lunes, pinatay si Mayor Antonio Halili ng Tanauan, Batangas habang dumadalo sa flag ceremony sa munisipyo. Kinabukasan, Martes, ang mayor naman ng General Tinio, Nueva Ecijia na si Mayor Ferdinand Bote ang pinaslang. Kagagaling lamang ng alkalde sa isang pulong nang biglang may lumapit sa kanyang kotse at pinagbabaril siya.
Dagdag sila sa listahan ng 15 local government officials—mga alkalde at bise alkalde—na pinatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Iba-iba ang sinasabing dahilan sa likod ng mga pagpatay. Mayroong iniuugnay ang mga ito sa alitan sa pulitika. Nariyan din ang pagsasangkot sa kanila sa mga ilegal na gawain katulad ng pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot, at ilan nga sa kanila ay tinaguriang “narco-politicians” at napabilang sa hindi pa rin isinasapublikong “narco list” ni Pangulong Duterte.
Ikinababahala ng League of Cities of the Philippines o LCP ang mga naganap na pagpatay sa mga mayor at vice-mayor. Nanawagan sila sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na sundin ang tamang prosesong pagbeberipika ng “narco list” at bigyan ng pagkakataon ang mga nasa listahan na ibigay ang kanilang panig. Samantala, humiling ng isang dayologo sa pangulo ang League of Municipalities of the Philippines o LMP upang pag-usapan ang listahan. Nanawagan din silang itigil na ang pagpatay sa mga alkalde, at pairalin ang batas sa halip na ang kapritso ng iilan. Kung may batayan ang pagkakasama ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan sa mga ilegal na gawain, ang korte raw ang tamang lugar upang paghainan ng reklamo at upang husgahan at patawan ang mga ito ng nararapat na parusa.
Kapanalig, hindi natin sinasabing malinis at walang kasalanan ang mga pinatay na opisyal, ngunit sa pagpatay sa kanila, nawalan sila ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili sa harap ng batas o panagutan ang kanilang kasalanan, kung mapatunayan. Higit sa lahat, nilabag ang kanilang karapatang mabuhay at ang kanilang dignidad na kaloob ng Diyos na siyang lumikha sa atin. Muli, naninindigan ang ating Simbahan na tanging ang Diyos lamang ang maaring bumawi sa buhay ng tao.
Pinahihina rin ng mga hindi nareresolbang pagpatay sa mga mayor at iba pang opisyal ang katatagan ng mga lokal na pamahalaan. Mahalaga sa ating Simbahan ang prinsipyo ng subsidiarity na kumikilala sa kakayanan ng mas maliliit na yunit ng lipunan—gaya ng lokal na pamahalaan—na tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Nalalabag ang prinsipyong ito kung patuloy na pinagbabantaan ang mga lider ng mga lokal na pamahalaan. Mas hindi katanggap-tanggap kung ang pagbabantang ito ay mula sa pambansang pamahalaang dapat na iginagalang ang mga nasa lokal na pamahalaan at isinusulong ang tamang pagganap nila sa kanilang tungkulin. Nakalulungkot na sa halip na idaan sa tamang proseso ng pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaso, mukhang naging bisyo na ng mga lider natin ngayon, sa pangunguna ng pangulo, ang pagpapahiya sa mga lider gamit ang mga kaduda-dudang listahan o mga tsismis tungkol sa personal na buhay ng mga inaakusahan nila. Kaya hindi na tayo magtataka kung ang mga opisyal ng lokal na pamahalaang hindi kapartido ng pangulo o kaya nama’y nais sumalungat sa mga patakaran ng pangulo ay mananahimik na lamang dahil sa takot na mapapabilang sa narco-list o makatitikim ng pagpapahiya sa publiko.
Mga Kapanalig, para sa isang administrasyong nagsasabing panahon na upang palakasin ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng federalismo, kabalintunaang ito pa ang unang-unang pumipilay rito. Kung nais nating makamit ang tunay na kaunlaran, kailangang magkabalikat ang pambansa at lokal na pamahalaan—magkabalikat sa paggalang sa buhay at dignidad ng tao, sa pagsunod sa batas, at sa pagkilala sa kagalingan ng lahat.
Sumainyo ang katotohanan.