144 total views
Naniniwala ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) na malaki ang maitutulong ng bawat sektor sa Bansa para tugunan ang suliranin sa ilegal na droga.
Ito ayon kay NCRPO Chief Deputy Director Guillermo Eleazar na dumalo sa pagpapasinaya ng ‘Sanlakbay Recovery and Restoration Center’ sa Sta. Cruz Manila.
Ayon kay Eleazar, bagama’t malawakan na ang problema ng bansa sa ilegal na droga ay mahalaga ang pagtutulungan para sa Prevention at Rehabilitation ng mga nalulong sa masamang bisyo.
Naniniwala si Eleazar na sa pagtutulungan ng bawat Sector, Pulis, Simbahan at Barangay ay makakamit ang tunay na pagbabago para sa mga naligaw ng landas.
“Kaya nga ang binibigyan ng focus yung Rehabilitation binibigyan ng pagkakataon yung mga taong naging biktima ng illegal na droga, na magkaroon pagkakataon na sila ay magbago at mare-integrate sa ating Komunidad. Kaya itong ginagawa ng simbahan in Cooperation ng concern Citizen and Sectors, ating kapulisan na bigyan ng pagkakataon yung mga tumalima na magbagong buhay,” ayon kay Eleazar.
Inihayag ni Eleazar na may proseso ang PNP na matanggal sa drug list ang mga Drug Surrenderers na sumailalim sa rehabilitasyon at napatunayang hindi na bumalik sa masamang bisyo.
“Ang Drug list is just a list reference or guide it has no evidentiary value. Meron tayong proseso na once nalaman natin na talagang hindi na sila bumalik sa dating gawi at may appropriate intervention na isinagawa kagaya ng Rehabilitation they will be Delisted from that list nay un naman ay para lang sa internal na reference lamang at wala yung Evidentiary Value,” ayon kay Eleazar sa panayam ng Radio Veritas.
Ang Recovery and Restoration Center ay ang kauna-unahan ng Sanlakbay na magbibigay ng 18 month program sa mga nagtapos ng 6 month drug rehabilitation para sa kanilang tuloy-tuloy na paggaling mula sa pagiging gumon sa droga.
Kabilang sa serbisyo nito ang pagbibigay ng Counseling, higit pang paghuhubog at mga pagsasanay na makakatulong para sa kanilang kabuhayan.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagdiriwang ng misa, kasama sina Fr. Bobby Dela Cruz ng Restorative Justice ng Caritas Manila at Fr. Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila.