278 total views
Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle
Opening Sanlakbay Center
Jaime Cardinal Sin Formation Center, Oroquieta, Maynila
Ika-14 ng Hulyo, 2018
Mga minamahal na kapatid, tayo po una sa lahat ay magbigay puri, pasasalamat sa Diyos dahil siya po ang nagtipon sa atin para maglakbay ng sama-sama, isang Lakbay—Sanlakbay at nakakatuwa po dahil ngayong umaga ay ating pasisinayaan ang Sanlakbay center na sino ‘ba naman ang makakaisip na noong nakaraang isang taon at kalahati ay uuwi tayo sa ganitong yugto.
Pinag-isipan na tugon sa isang pangangailangan ay lumago, maraming nakilakbay at eto na ho tuloy pa rin ang paglalakbay at mamayang hapon naman meron din akong ibi-bless mga housing para sa mga dating informal settlers na sa pamamagitan din ng pagtutulungan ay magkakaroon ng maayos na bahay pero ang approach ay “Community within them” sa Malibay, Pasay.
Iniimbitahan ko na rin kayo roon ‘di ko lang alam, pero nakakatuwa po na itong araw na ito ay parang hinuhugot tayo ng Panginoon na makipaglakbay sa mga kapatid natin na dumaraan sa iba’t ibang uri ng kondisyon sa buhay. At kung minsan ang pakiramdam nila nag-iisa sila sa buhay pero malaking bagay na malaman, ang lakbay ninyo ay lakbay namin, magiging atin, maglalakbay tayong sama-sama.”
Fiesta po ngayon ni San Camillo de Lellis, siya po ay Patron ng mga may sakit, isa siya sa mga Patron. Siya po ay isang tao na sasabihin natin posibleng magkaroon ng isang career na makamundo, pero sa pananampalataya siya ay nagbago at sa halip na magkaroon nang Worldly Career, siya po ay nag-aral, naging pari at noong naging pari ay nagsimula ng isang kongregasyon, ang tawag natin mga “Camilians”, sila po ang kanilang focus ay ang health ministry.
Pero ang motibasyon ni San Camilo ay hindi lamang yung makapagbigay nang gamot kung ‘di sabi niya sa kanyang mga kasama “Pag-ibig… Pag-ibig kay Kristo ang nag-uudyok sa atin at pag-ibig rin ang pangunahin na naghihilom sa mga may karamdaman. Kaya maganda po na ang Sanlakbay ay nagsimula sa “Caritas” pag-ibig ano po? Talagang makakatulong yung iba’t ibang approaches at iba’t ibang gamot pero kung walang pag-ibig hindi ho talaga magkakaroon ng unang hakbang sa paghihilom.
Yan din po ang tinutukoy ng ating mga pagbasa. Sa unang pagbasa si propeta Isaias ay takot na takot sa Diyos kasi nasa isip niya “makasalanan ako at ako ay nakikipamuhay sa mga makasalanang tao, hindi lang ako ang makasalanan at marumi, ang akin ding kinabibilangan, ang aking environment lahat kami ay may maruming labi, parang walang tulak-kabigin. Kapag naghanap dito sa amin, meron ba diyang malinis?” Sabi niya,“Nako wala lahat kami marumi! Kaya lalo na noong panahon nila ang pag-iisip nila ay ang Diyos ay banal tayo marumi hindi tayo pwedeng maglapit nang Diyos kasi matutupok tayo.
Hindi namin kaya ang kabanalan ng Diyos. Di ba pati tayo minsan nagbibiro tayong ganyan.Naalala ko sa mga kapatid natin sa kapulisan noong unang meeting namin noon tungkol sa kaunting pahinga, may isang pulis sabi sa akin, sinabi ko po sa asawa ko na kasama ko kayo, sabi niya, talaga? Sabi ng Misis ko, kasama mo si Kardinal, mangumpisal ka! Mangumpisal ka!
Talagang ang tunay nilang general ay ang kanilang mga asawa. Nangumpisal nga! Tingnan niyo pagsinabi ni misis, yes sir, yes ma’am. Nagbibiro, sabi niya “noong malaman ko nga po na ang ka meeting namin mga Obispo at pari sabi ko baka umusok kami. Di ba mayroon tayong ganyan, ingat ka ha baka umusok ka, kasi kapag haharap ka sa pari ganoon ano? Parang mga tao ng Diyos yan, kailangan kapag lumapit ka baka ano ka,Parang ganoon si Isaias, duwag, ni hindi ako makaharap sa iyo baka matupok kami.
Pero ang mapagmahal na Diyos alam niya ang karupukan kaya siya na, ang malinis niyang kamay na mayroon baga, kung palayo ng palayo si Isaias ang Diyos na ang palapit ng palapit sa kanya. At sinabi ng Diyos, malinis ka na hindi dahil napatunayan mo na ikaw ay karapat dapat, ako ang maglilinis sa iyo ang pag-ibig ko ang maglilinis sa iyo.
Ito po yung diwa ng Sanlakbay, nahihiya rin naman ang mga kapatid natin sa kanilang nagawang hindi tama at kung makakatakas hindi lamang sa kapwa tao kundi sa Diyos talagang tatakas sa kahihiyan. Pero susundan natin ang kilos nang Diyos sila na hiyang-hiya, sila na walang mukhang maiharap, ang Diyos na ang lalapit sa kanila. At hindi dala ang paniniil kungdi ang pag-ibig na nag hihilom. At noong napalinis na ng Diyos si Isaias, ano’ng nangyari sa kanya? Naging misyonero. Tanong ng Diyos, sino’ng ipapadala ko? Sumagot si Isaias, narito po ako, ako ang isugo ninyo.
Ang napahilom ng pag-ibig ng Diyos at ng kapwa, nagiging misyonero ng pag-ibig at paghihilom sa iba. Ganon lang noon kapag nakita ng bawat isa sa atin na tayo ay marupok rin na lahat tayo mayron din namang mga nagawang hindi marangal pero tayo ay minahal, yun ang magiging motibasyon para magbigay tayo ng pag-asa, palakasin natin ang loob ng iba, makilakbay tayo sa kanila kasi naranasan natin. Ang Diyos nga nakipaglakbay sa atin at ako nakabangon, ngayon makikilakbay ako sa iba para makabangon rin sila.
Ang misyon ay dulot ng malalim na karanasan ng pag-ibig ng Diyos. Kaya po tuwang tuwa ako two holy weeks ago dahil yung Holy Thursday na paghuhugas ng paa, ang inimbitahan ay labing dalawa na mga tao na involved sa Sanlakbay. Si Kapitana naalala ko noon iyak ng iyak yan, mas marami pa ‘yung luha niya kesa dun sa tubig na ibinuhos ko sa kanyang paa.
Tapos iyong dalawang kasama na nag-a-undergo ng program sa isang Parokya, mayroon din dalawa sa kapulisan, may mga katekista at mayroong dating nakakulong na ngayon ay tumutulong para sa recovery kasi naranasan nila, nakulong sila, sila ay naka-recover at ngayon misyonero na sila. Nakakatuwa po, kasi lahat naman tayo may kanya-kanyang addiction, kaya lang ‘yong ibang Addiction Legal, pero addiction pa rin ‘yan.
Yong mga addicted sa cellphone, addiction ‘yan. Minsan kaharap mo na ‘yong misis mo ‘di mo na tinitignan ‘yong misis mo, o kaya ‘yong mga ano na ‘yan sa mga teleserye kahit hindi makakain ng hapunan kahit hindi makapaghanda ng hapunan para sa pamilya huwag lang lalampasan ang, ano ba ang mga ano ngayon? ano ba ho? (Inaudible chatter) (Crowd answers – “Probinsyano”) Ayan! (tawanan) nahuli ko ang mga adik! Ayan mga probinsyano, ano pa ba? ano pa? Saan ka addicted father? (tawanan) (Inaudible chatter) Sa kanin daw.
Kaya minsan ano ho, bago tayo manghusga, makita natin na katulad ni Isaias, kasama pala tayo sa bayan na mayroon ding mga karupukan. At sa karupukan sama-sama rin tayong naglalakbay at sa pag-ibig nang Diyos sama-sama tayong maglakbay para sa sama-samang paghihilom at ang mahihilom diyan din ang pamilya ang sambayanan. Di ba nga po naikuwento ko na po ng ilang beses, may teacher po ako na amerikano, teacher namin sa church history. Kamamatay—namatay na po siya pero bago namatay pinatawag po ako so binisita ko pagpasok ko sa kuwarto niya umiyak, iyak ng iyak parang bata, nilapitan ko, tinapik-tapik ko ‘yong balikat. Noong tumigil na ‘yong pag-iyak naka-ngiti na sabi sa akin. Lagi kang natutulog sa klase ko noon, di ko na lang naitanggi pero totoo po, ang pinakamasasarap kong tulog ay sa klase niya. Kesa doon sa kuwarto, talaga, ewan ko nga ba, alam mo si Father hindi dapat naging teacher, dapat anesthesiologist, ‘yong pangpatulog sa ospital ano?
Edi ako naman, Father sorry, sorry kung noong seminarista ako nagbigay ako ng problem sa inyo. Sabi niya, No, you did well, ok naman, tapos sabi niya tingnan mo cardinal ka na. Naging pala isipin sa akin yon anong sinasabi nang Diyos? Anong pinaparating ni father sa akin? Siguro bago siya mamatay gusto niya ipaalaala sa akin, Chito huwag kang mayabang ha, OK cardinal ka, pero huwag kang mayabang kilala ka namin, kilala ka ng Diyos tutulog-tulog ka lang. Huwag kang magyayabang, kung meron ka mang maabot ngayon iyan ay awa nang Diyos, pasang-awa. Kung walang naawang Diyos saan ka pupulutin at hanggang ngayon pasan-pasan tayo ng awa ng Diyos.
Kaya po ngayon nagtuturo pa rin po ako at kapag sa klase ko o sa homilya may natutulog hindi ako nagagalit. Kung ako nga kinaawan, tutulog-tulog ako, sino ako para mag-malaki? Malay ko, baka sa panginip nila nangungusap ang mga angel, ang Panginoon, baka mas mabuting makinig sila doon sa ano kaysa sa akin ‘di ba ho? Kaya sige tulog kayo kung gusto niyo.
Dahil ako’y kinaawaan, inaalaala ko iyan kapag ako’y minsan nag-iinit ang ulo, ako bigla nga’y kinaawaan, bakit ako hindi maging misyonero ng awa rin ng Diyos. May isang pari tayo na nilapitan ako, sabi ako rin po noong seminarista ako lagi akong nakakatulog sa klase, palagay n’yo puwede rin akong maging cardinal? Sabi ko naman hindi ko na yata kayang ipangako ‘yang mga ganyan, pero malay natin? Malay natin?
Nitong June 28-29 may mga bagong Kardinal na, pumunta po ako sa Rome pinagmamasdan ko ang mga maraming cardinal, yung iba mas matanda sa akin sabi ko, ako natutulog sa klase, ngayon itong mga ibang Kardinal natutulog sa misa. Pare-pareho pala kaming antukin. Awa nang Diyos ‘yan po ang ano ni San Camilo, ang pag-ibig na nag mamalasakit ‘yan ang nagpapahihilom. Pero kapag sumunod tayo sa Panginoon hindi naman lahat magiging banayad at mabuti kaagad-agad. Kaya sa ebanghelyo sabi Hesus, kapag sumunod kayo sa akin, kung ako nga na inyong guro ay tinanggihan, inalipusta, kayo rin dahil sumusunod kayo sa akin. Pero ang paalaala niya huwag kalilimutan ang Diyos na mapagmahal.
Kahit na ikaw ay inuusig, karanasan po ng marami nating kapatid iyan kung baga na label na, pati nga ‘yong napapalaya sa jail kapag nakita sa curriculum vitae na dating nakulong parang ano ka na hanggan diyan ka na lang hindi ka makapag bagong buhay, hindi ka makahanap ng trabaho. Iyong pagsunod kay Kristo hindi pa rin guaranteed na you will be accepted. Very realistic si Jesus, sabi nga ng libro “I never promised you a rose garden. Pagsunod kay Hesus mayroon ka pa ring mga pagsubok pero huwag kalilimutan, minahal ka, itinayo ka, hindi ka na pababayaan pati ang buhok mo bilang yan, pati ang mga nalagas na buhok mo bilang yan ng Diyos.
Ganiyan ka kamahal, kaya huwag kang matakot, huwag kang panghinaan ng loob at magsabi, wala naman palang silbi ito. Hindi, higit kayong mahalaga kaysa sa libu-libong maya. Para po sa makikilakbay sa Sanlakbay ito po ang aking laging mensahe sa mga kapatid natin. Mahalaga ka! Kung ang pamilya mo minsan ikinahihiya ka, o ang mga kaibigan mo hinihiwalayan ka na, kung ang sambayanan kung baga binahiran ka na, mahalaga ka. Mahalaga ka sa Diyos, mahalaga ka sa amin at kung kailangan mo ng mahaba pang panahon sa paglalakbay nandito kami makikilakbay sa iyo.
Tulungan nawa tayo diwa ni San Camilo para mapangatawanan natin ang tawag ng pag-ibig na nakikipaglakbay sa mga sugatan. Tayo rin sugatan, nakikipaglakbay sa kapwa sugatan.