273 total views
Ito ang pambukas na pagninilay ni Fr. Dexter Toledo, OFM sa pagsisimula ng Philippine Conference on the New Evangelization na ginanap sa University of Santo Tomas.
Ayon kay Fr. Toledo, dapat na pagnilayan ng bawat Pari, Relihiyoso at mga nagtalaga sa kanilang buhay ang patuloy na pagka-uhaw sa Panginoon.
“Nauuhaw pa ba tayo? Di natin kayang magsalita sa taong uhaw kung hindi kinikilala ang ating pagka-uhaw,” ayon kay Fr. Toledo.
Iginiit ng pari na hindi maaring tumugon sa pagka-uhaw ng iba kung hindi nararanasan ang pagka-uhaw na sanhi ng mga paghihirap at pangungulila na tuwinang nararanasan ng mga karaniwang taong nangangailangan.
Inihayag ni Father Toledo na ito ang hamon sa mga Pari at Relihiyoso na siya ring pangunahing pangako ng bawat isa bilang alagad ng Simbahan at ng Diyos.
“Simbolo ngayong araw ang tubig sa dambana hanggang sa mga susunod na pagninilay, tanungin ang sarili, kailan tayo huling nauhaw at paano magbibigay ng tubig sa iba?” ayon kay Fr. Toledo Anchor Priest ng Radio Veritas sa Programang Barangay Simbayanan na mapapakinggan tuwing Huwebes alas-8 hanggang alas-10 ng umaga.
Hinikayat din ni Fr. Toledo ang kapwa niya Pari at Relihiyoso na tuwinang humiling ng lakas sa Panginoon, upang mabiyayaan ng ulan ng pagmamahal bilang Kristiyanong nagmamalasakit sa kaniyang Bansa.
Ang unang dalawang araw ng PCNE5 ay idararos sa UST na para sa mga Pari at Relihiyoso kaugnay na rin ng pagdiriwang ng simbahan sa Pilipinas ng ‘Year of the Clergy and the Religious’ na bahagi ng paghahanda ng Simbahan sa ika-500 taon ng kristiyanismo sa Pilipinas.
Ang Pilipinas na binubuo ng higit sa 10,000 Pari at Relihiyoso at higit sa 18,000 bilang ng mga nagtalaga ng kanilang sarili sa Panginoon.
Ang PCNE5 ay nagsimula July 16 at magpapatuloy hanggang sa July 22, 2018.