196 total views
Ang hamon ng paghubog ng mga Catholic School sa spiritual intelligence ng mga kabataan ay isang magandang paalala sa tunay na layunin ng Catholic education.
Ito ang reaksyon ni Rev. Fr. Nolan Que, National Capital Region Regional Trustee ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa naging hamon ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa mga guro, opisyal at mga kinatawan ng Catholic schools na dumalo sa CEAP – NCR conference.
Ayon sa Pari, naaangkop lamang ang pahayag at hamong ito ng Obispo upang muling manumbalik sa mga bumubuo ng mga Catholic schools sa rehiyon ang layunin na magabayan ang mga kabataan hindi lamang sa pagkakaroon ng kagalingang pang-akademiko kundi maging pang-espirituwal.
Tiwala si Fr. Que na bukod sa iba’t-ibang mga pasilidad na mayroon ang Catholic schools upang malinang ang kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral ay hindi dapat na mawala sa mga ito ang pagkakaroon ng Kapilya kung saan sila maaring makapanalangin.
“Magandang paalala yun kasi siguro yung spiritual intelligence again going back to the reason for every Catholic education, bakit may Catholic education, kung bakit may Catholic schools the purpose of each would always be that young people would be able to know, to love and to serve the Lord. Ibig sabihin lamang nito sa bawat Katolikong paaralan sana meron kayong Chapel, ito yung lugar na kung saan yung mga bata pwedeng magdasal, kung meron kayong computer lab, meron kayong science laboratory, kung meron kayong speech laboratory sana naman ang unang prayoridad ay magkaroon ng mga lugar na kung saan ang mga bata ay pwedeng magdasal…” pahayag ni Father Que sa panayam sa Radyo Veritas.
Si Fr. Nolan Que ang kasalukuyang nagsisilbing Regional Trustee ng CEAP para sa National Capital Region na binubuo ng nasa 173 Catholic schools mula sa 8 mga diyosesis.
Taong 1941 ng itinatag ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) na layuning maging pambansang samahan ng mga Catholic Educational Institutions sa Pilipinas at makapaghubog ng mga kabataan na hindi lamang mayroong sapat na talino at galing pang-akademiko kundi lalo’t higit ang mayroong matatag na pananampalataya sa Panginoon.
Sa kasalukuyan mayroon ng aabot sa 1,484 na member-schools ang CEAP mula sa may 17 rehiyon sa buong bansa.