215 total views
Ito ang binigyang diin ni Bishop Mylo Hubert Vergara ng Diocese ng Pasig sa patuloy na pagninilay ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ng Panginoon sa isinasagawang Philippine Conference on New Evangelization (PCNE5) sa Unibersidad ng Sto.Tomas.
“Sa gitna ng maraming kasinungalingan, fake news sa social media babalik tayo sa katotohanan ni Kristo at yun ang gusto nating ipahayag, we propagate the truth of Christ.” pahayag ni Bishop Vergara sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang diin ng Obispo na dapat labanan ang paglaganap ng maling balita at impormasyon o mga fake news sa bansa partikular sa social media kung saan mahigit sa 67 milyon sa mga Filipino ang aktibo.
Sa kasalukuyan ay nakararanas ng pang-uusig at pambabatikos ang Simbahang Katolika sa bansa maging ang mga lider nito at mga pastol ng simbahan na nakagagawa ng mga pagkukulang at pagkakasala habang naglilingkod sa sambayanan ng Diyos.
Dahil dito, hinamon ni Bishop Vergara ang mga pari, madre at mga relihiyoso na buong pusong tanggapin ang mga kahinaan at pagnilayan ang mga pagkukulang at hilingin sa Diyos ang paggabay, buong pusong yakapin ang pagbabago sa tulong ng Banal na Espiritu upang maging kaaya-aya ang paglilingkod sa kawan ng Diyos.
“Napakahalagang makita yung pagbabago at pagpapahalaga at pagpapanibago naming mga obispo, pari at mga relihiyoso kasi ang issue ngayon, kailangan buong pakumbabang tanggapin na may mga kahinaan kami, may mga pagkukulang din kami at kailangan magkaroon ng pagninilay at panalangin para mapalalim yung panalangin namin yung relasyon namin sa Diyos at yung paglilingkod namin sa kapwa sa tao.” dagdag ng Obispo.
Bukod dito, hinimok din ni Bishop Vergara ang bawat pari, madre at mga relihiyoso na aktibong makilahok sa social media at gamitin ang makabagong teknolohiya sa pagpapalaganap ng mga Salita ng Diyos.
Aniya, “Ang mga pari, madre, mga obispo yung involvement nila sa social media ay magbibigay ng pagtitingkad sa katotohanan ni Kristo at yung katotohanan ng Mabuting Balita ng Diyos.”
Sa tala mahigit sa 10-libo ang mga pari sa bansa na nangangasiwa sa mahigit 86 na milyong binyagang Katoliko sa Pilipinas.
Sa mensahe noon ni Pope Francis sinabi nitong ang pinagbabasehan ng katotohanan ay si Hesukristo dahil ito lamang ang tunay na maghahatod ng katotohanan sa lahat.