232 total views
Homilya ng Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Kardinal Tagle sa Misa ng Bayang Pilipino, para sa ikatlong araw ng Philippine Conference on New Evangelization – July 20, 2018, Pasay City.
Sabi ko po kanina mahaba-haba na yung nasabi ko, wala nang homilya, e umupo kayo e.
Pero, huwag ho kayong mag-alala, maghapon na po tayong nakinig, maghapon pong nabuksan ang ating mga puso, at sa iba parang na warak pa nga ang puso. Maghapon tayong umiiyak, maghapon tayong nagkantahan, nagsayawan, maghapon po tayong napagod. Pagod ba kayo? Ako lang pala.
Pero maganda po na nagtatapos ang ating araw, nagdiriwang tayo ng Eukaristiya sa diwang Pilipino at ang ating mga pagbasa tungkol sa Diyos na mayroong kakayahang dumama, pasukin ang sakit ng iba. At yun ang masmahalaga kaysa sa Kan’yang mga batas. Ang pangunahin N’yang batas ay ang pag-ibig. At kung ang pag-ibig, ang s’yang magliligtas, aahon sa tao yon ang Kan’yang susundin. At sa ebanghelyo nagtatagpo lahat ang habag ng Diyos kay Hesukristo.
Mga kapatid, walang saysay ang ebanghelisasyon kung hindi tayo uuwi kay Hesus. Pagkilala kay Hesus, kay Hesus na mukha, kamay, labi, puso ng Diyos. Si Hesus na higit pa sa templo, si Hesus na higit pa sa batas ng Sabbath, si Hesus na nagsasabing “Ako ang magbibigay ng kapahingahan sa iyo. Lumapit kayo, kayong mga napapagal, kayong mga nabibigatan at kayo’y Aking bibigyan ng kapahingahan.” Kung wala po ang ating pagkilala kay Hesus, ewan ko kung tunay ngang mamamayani ang habag kaysa sa hain. Iyan ang gusto N’ya, habag hindi hain, pero yun ay mapapasok natin kung tayo’y lalapit sa Kan’ya, sya ang ating Sabbath, S’ya ang ating kapahingahan. Kaya po lahat ng narinig natin, lahat ng ating nginitian, tinawanan, lahat ng ating iniyakan, lahat ng ating pinalakpakan, lahat po ng ating iniindak, lahat po ng kinasakit ng baywang, at tuhod, dalhin kay Hesus.
Tanungin natin ang ating sarili mamaya pag-uwi, saan ko natagpuan si Hesus? Papaano S’ya nag pakilala sa akin at papaano N’ya ako dinadala sa Kan’yang puso? Sa Kan’ya meron tayong kapahingahan.