144 total views
Umapela ng tulong ang Social Action Center ng Dicoese of Tandag para sa nagsilikas na mga katutubong Lumad dulot ng patuloy na militarisasyon sa lalawigan ng Surigao Del Sur.
Kinumpirma ni Rev. Fr. Francisco Olvis, Social Action Director ng nasabing Diocese ang pag-evacuate ng nasa 328 Pamilya o mahigit sa 1,600 mga Lumad mula sa Brgy. Diatagon, Lianga Surigao Del Sur.
Batay sa ulat, Ika-14 ng Hunyo taong kasalukuyan ng pumasok sa lugar ang mga miyembro ng 75th infantry battalion ng Philippine Army.
Sinasabi na ang presensya ng Militar sa lugar ay nagdulot ng labis na takot at pangamba para sa mga katutubo dahilan upang magsilikas ang mga ito sa isang covered court sa Diatagon, Lianga, Surigao Del Sur.
Ilan din sa mga katutubo ang pinatuloy sa isang kumbento at mga pasilidad ng Simbahang katolika kung saan sila ay kinakalinga.
Aminado si Fr. Olvis na kailangan ng ibayong suporta ng Diyosesis upang matulungan ang mga katutubong Lumad at umaasa sila na i-trato ng tama at makatao ang mga ito.
“This IP Communities are united in defending their ancestral lands from incursion of Mining. Bishop [Raul] Dael of the Diocese of Tandag visited the evacuation center last July 18. We appeal to treat them humanely.” Mensahe ni Fr. Olvis sa Radyo Veritas.
Magugunitang taong 2015 ng magsilikas ang may 3 libong mga Lumads sa Tandag City matapos na mapatay ang ilan sa mga miyembro nito.
Una na ring tumugon ang Caritas Manila at Quiapo Church sa pangangailangan ng mga nagsisilikas na mga Lumad.