172 total views
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, mahalaga ang papel na ginagampanan ng bawat Filipino tungo sa pagkakaisa at pag-unlad ng Pilipinas.
“Sana maging interesado tayo sa kalagayan ng ating bayan para lahat tayo maka-contribute sa kabutihan ng bawat mamamayan.” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Hinimok ng Obispo ang mamamayan na huwag manahimik sa mga maling Polisiya at gawain ng kasalukuyang Administrasyon na nakakaapekto sa buhay ng tao partikular ang mga maliliit na Sektor ng lipunan.
“Ipakita natin na tayo ay bahagi ng bayang Pilipinas na nakikibaka sa kabutihan.” dagdag ng Obispo.
Noong ika – 23 ng Hulyo 2018, pinangunahan ni Bishop Pabillo ang Misa sa St. Peter’s Parish Shrine sa Commonwealth Avenue bilang panimula sa isinagawang United People SONA kasabay ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga natalakay ng mga nagsalita sa pagtitipon ang usapin ng kawalang katarungan sa bansa dahil sa extra judicial killings, pagdami ng mahihirap sa lipunan, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ang pagtutol ng karamihan sa isinusulong na pagpapalit ng Konstitusyon mula Unitary Form of Government patungong federal Form of Government.
Binigyang diin ng Obispo na mahalaga rin ang pananalangin para sa ikatatagumpay ng Pilipinas at makamit ang tunay na pagkakaisa ng mga mamamayan.
“Ipagdasal ang ating Bayan at sa pamamagitan ng ating Pagmamalasakit, Pang-uunawa at Pagdadasal maka-contribute tayo sa kabutihan.” ani ng Obispo.
Sa mensahe noon ng Kaniyang Kabanalang Francisco hinimok nito ang bawat pinuno ng mga bansa na isulong ang pagkakaisa at pagkakasundo upang makamit ang kapayapaan sa mundo.