201 total views
Nagpaabot ng pasasalamat sa pamunuan ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE5) si Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon – Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care para sa paglalaan ng dalawang araw para sa mga Pari, Madre at mga nagtalaga ng kanilang sarili sa Panginoon.
Ayon sa Obispo, Magandang opurtunidad ang naipagkaloob ng PCNE5 upang mabigyan ng pagkakataon ang mga lingkod ng Simbahan na mas mapayabong at mapalalim pa ang kanilang Bokasyon at Misyon bilang mga katuwang ng Panginoon sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo.
Pagbabahagi ni Bishop Baylon, mas napagtuunan ng pansin ng mga Religious at Clergy na dumalo sa pagtitipon kung papaano mas epektibong makapaglilingkod at magsisilbing tagapamagitan upang mas mailapit ang bawat mananampalataya at sa Diyos.
“Napakaganda nun kasi atleast yung pinagtuunan namin yung aming paglilingkod sa sambayanan bilang mga tinawag ng Panginoon sa Ministerial Priesthood at saka as Consecrated Persons, dahil nga ito ay taon ng kaparian at mga konsagradong tao ay ito ay ipinagkaloob din sa amin na mapagnilayan namin lalong lalo na yung kung papaano pa namin mapapayaman at magiging makahulugan para sa sambayanan ang aming paglilingkod kaya natutuwa ako na ito ay ipinagkaloob sa amin…” pahayag ni Bishop Joel Baylon sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaan inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang paglalaan ng unang dalawang araw ng PCNE para sa mga Religious at Clergy bilang paggunita sa idineklara ng mga Obispo na Year of the Clergy and Consecrated Persons na bahagi naman ng paghahanda sa ika-500 anibersaryo ng Kristyanismo sa Pilipinas.
Batay sa tala ng pamunuan ng PCNE, umabot sa 7,000 ang kabuuang bilang ng mga Delegado ngayong taon kung saan sa bilang na ito 3,000 ang mga Religious at Clergy.
Inaasahan naman na sa mga kabataan na nakasentro ang susunod na edisyon ng PCNE kung saan bilang bahagi ng paggunita ng Simbahan sa Year of the Youth sa susunod na taon.