213 total views
Mariing tinututulan ng Simbahang Katolika ang mga pagpaslang sa lipunan lalu na sa pinaigting na kampanya kontra iligal na droga.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Caritas Manila, hindi tungkulin ng tao ang pumaslang ng kapwa.
Binigyang-diin ni Fr. Pascual na dapat palaganapin ng tao ang pagmamahal sa kapwa at pagkalinga lalo na sa mga higit nangangailangan sa lipunan.
Sinabi ng Pari na maipakikita ng tao ang pagpapahalaga sa kapwa sa pamamagitan ng pagmamalasakit lalo na sa mahihirap na sektor ng lipunan.
“Hindi tungkulin ng tao ang pumatay, ang tungkulin natin ay magmahal at magmalasakit lalong lalo na sa mga dukha.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ito ang tugon ng pari sa mga kampanyang pinaiiral ng kasalukuyang administrasyon partikular ang paghahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address na ipagpatuloy ang pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot sa Bansa.
Kaugnay dito, naglunsad ng iba’t ibang programa ang Caritas Manila ang social action arm ng Archdiocese ng Manila na makatutugon sa pangangailangan ng mamamayan lalo na ang mga mahihirap sa lipunan na matulungang maiangat mula sa kahirapan at makaiwas sa anumang gawaing iligal.
Pinalalakas ang Caritas Margins na tumutulong sa pagbibigay ng libreng pagsasanay pangkabuhayan sa mga maliliit na negosyante sa bansa at pagbebenta sa mga produktong nalikha.
Bukod pa dito ang Segunda Mana, Caritas Damayan, YSLEP, Caritas Et Labora, programa ng Caritas Manila para sa mga manggagawa kung saan sila ang nagmamay-ari ng kooperatiba at nakatatanggap ng mga kaukulang benepisyo ang mga miyembro.
Sa kasalukuyan mayroon nang mahigit sa 1-libong manggagawa ang kasapi at kamay-ari ng Caritas Et Labora.
Nananawagan naman si Fr. Pascual kay Pangulong Duterte na kaakibat ng pagpapatuloy sa mga programa ng pamahalaan ay dapat matulungan din ang mahihirap na sektor sa bansa.
“Unang-una sa lahat ipagpatuloy ni Presidente Duterte ang kaniyang Krusada laban sa iligal na droga, kriminalidad at siyempre Korapsyon sa Gobyerno, Suporta tayo diyan, pero mas mahalagang tulungan ang mahihirap na matulungan ang kanilang sarili.” dagdag ni Fr. Pascual.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, kasabay ng pagsulong ng kaunlaran sa bansa ay maisaalang – alang ang karapatan at kapakanan ng mga mahihirap.