232 total views
Inilahad ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang iba’t ibang pagkagutom at pagkauhaw ng tao.
Sa kanyang homiliya sa isinagawa nitong pastoral visit sa Sacred Heart of Jesus parish sa Sta. Mesa Maynila noong ika-29 ng Hulyo, sinabi ng Kardinal na bukod sa pisikal na pangangailangan ng tao ay nauuhaw at nagugutom din ito sa pagkalinga, pagmamahal,paghihilom, pagkakaisa at kapayapaan.
Dahil dito iginiit ng Kardinal na marapat lamang hayaan ng tao na kumilos ang diyos sa pagpuno ng pangangailangan ng tao.
Sinabi ni Kardinal Tagle na malimit din na pumipigil sa pagkilos ng diyos ay ang sakim at mapagkamkam na sistema ng mga tao.
Inihalimbawa ng arsobispo ang pagpapakain ni hesus sa 5 libong mananampalataya na sinubukang pigilan ng kanyang alagad dahil sa kakulangan anila sa tinapay at isda.
Ipinaliwanag ng kardinal na anumang bagay na dumaan sa kamay ng Panginoon ay napagyayaman nito sa oras na ipagkaloob na sa mga tao.
Gayunman kung ito ay dadaan sa makasariling kamay ng tao ay hindi kailanman sasapat ang mga biyaya ng Diyos.
Dahil dito hinimok ni Kardinal Tagle ang mga mananampalataya na huwag maging hadlang sa pagpawi ni Hesus sa kagutuman sa tinapay, pagkagutom sa pagmamahalan, pagkauhaw sa pagkakaisa at sa kapayapaan.
Giit niya tayong mga mananampalataya ay serbidor lamang at marapat na padaluyin natin ng mabuti ang pagkilos ng Panginoon sa tao.