186 total views
Inamin ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPPAP) na hindi mabilis na makakamit ang kapayapaan sa Mindanao sa pag-iral ng Bangsamoro Organic Law (BOL) na kamakailan lang nilagdaan na ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay OPPAP-government implementing chairman Under Secretary Nabil Tan, ang kapayapaan ay hindi naisasagawa sa loob lamang ng isang araw subalit ang hakbang ay pagsisimula sa pagsisikap para sa pangmatagalan pangkapayapaan sa rehiyon.
“Ito pong batas na ito will not bring peace overnight. Ito po ay umpisa ng direksyon patungo sa pangmatagalang kapayapaan,” ayon kay Tan sa panayam ng programang Truth Forum ng Radio Veritas.
Ito ay tatawagin bilang Bangsamo Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na siyang siyang papalit sa umiiral na Autonomous Region Muslim Mindanao (ARMM).
“Ito po ay more empowered, more representative, more inclusive at mas napalakas ang kaniyang mga kakayahan in terms of resources and governance powers. Bangsamoro can mean three things… Bangsamoro as an identity, as the political entity and as the geographic area,” ayon kay Tan.
Sinabi ni Tan na ang kaibahan ng BOL sa Bangsamoro Basic Law (BBC) at Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa panahon ng nakalipas na administrasyon ay ang social economic upliftment component.
Sa bagong batas, tatanggap ng 60 milyon kada taon sa loob ng 20 taon mula sa national government BOL bilang annual block grants at special development fund na 5 bilyong piso kada taon sa loob ng 10 taon para naman sa rehabilitasyon ng mga nasirang istraktura dulot ng mga nagdaang digmaan.
Ayon kay Tan, hindi lamang digmaan kundi ang kahirapan din sa rehiyon ang dapat na tugunan sa Mindanao upang hindi na bumalik sa pag-aarmas ang mga bandido.
Hihinikayat din ng pamahalaan ang mga bandidong grupo tulad ng Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighter’s (BIFF) na bigyan ng pagkakataon ang BARMM lalu’t isa ang kahirapan sa dahilan ng kaguluhan sa Mindanao.
Base sa 2015 Family Income and Expenditure Survey, apat sa limang pinakamahihirap na rehiyon ay matatagpuan sa Mindanao kabilang ang Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga at ARMM.
Nagpahayag naman ng pangamba ang Suara Bangsamoro na kinakatawan ni Amira Lidasan sa bagong batas dahil na rin sa paraan ng administrasyon sa pagpapatupad ng peace and order sa Mindanao kasunod na rin ng pag-iral ng martial law.
“If the same framework and orientation ang mangyayari po sa pag-implement ng public order and safety sa aming mga probinsya ay talagang kakakitaan mo ng pag-agam agam ang mga kababayan natin because they cannot forget periods of martial law and even the martial law now…ang pambobomba,” ayon kay Lidasan.
Sa hiwalay na pahayag, umaasa si Ozamis Archbishop Martin Jumoad na nawa ay maipatupad ng batas ang hangarin hindi lamang sa pangkapapayapaan kundi para sa kaunlaran ng Mindanao sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mapagkakatiwalaang pinuno sa rehiyon.