190 total views
Ipagdasal na lamang si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang panawagan ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes sa Sambayanang Filipino kaugnay sa kakaibang pag-uugali na ipinakikita ng Pangulo.
Inihalimbawa ng Obispo ang pabago-bagong pag-iisip at Desisyon ng Pangulo, Hindi pag-unawa sa kahulugan ng karapatan pantao at ang pinakamalubha ay ang hindi pagkilala sa Diyos.
Ayon sa Obispo, Hindi maisusulong ni Pangulong Duterte ang kapayapaan sa bansa dahil sa pagbalewala sa mga mahahalagang sangkap para dito.
“We will just pray President Duterte and then let God decide what to do with him. There is something wrong with his personality it is bit down in his personality that’s why we cannot understand him.” pahayag ni Bishop Bastes sa Radio Veritas.
Magugunitang sa ikatlong State of the Nation Address ng Pangulo, sinabi nitong pinahahalagahan niya ang buhay ng tao at hindi ang karapatan nito.
Kinontra ng iba’t ibang grupong nagtataguyod sa karapatan at buhay ng tao kabilang na ang mga lider ng Simbahang Katolika ang pahayag ng Pangulong Duterte.
Ipinaliwanag ng mga lider ng Simbahan na kaakibat ng pagpapahalaga sa buhay ng tao ang pagtataguyod sa mga karapatan nito.
“He consider himself a supreme being, we are dealing with a mysterious personality President Duterte.” dagdag ng Obispo.
Sinabi pa ni Bishop Bastes, ang chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Mission na nagkamali ang taumbayan sa pagpili sa pangulo dahil hindi agad nalalaman ang tunay na pag-uugali at pagkatao nito.
Sa tala, 16 na milyong Filipino ang bumoto kay Pangulong Duterte noong halalan 2016.
Sa paninilbihan nito sa bansa, kinundena ng iba’t ibang sektor ang paglaganap sa pang-aabuso ng karapatang pantao partikular sa madugong kampanya kontra iligal na droga.
Sa isang mensahe ng Kaniyang Kabanalang Francisco, binigyang pansin nito ang kahalagahan ng pakikipagkaisa ng mamamayan sa mga usaping panlipunan at pinaalalahanan ang mga namumuno sa bawat bansa na itaguyod ang diwa ng pagkawanggawa at pagmamalasakit sa paglingap sa bawat mamamayang nasasakupan.