1,008 total views
Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle
St. John Bosco Parish Tondo Manila
July 28, 2018
Mga minamahal na kapatid sa ating Panginoong Hesukristo, una po sa lahat magpasalamat tayo sa Diyos, siya po ang nagtipon sa atin bilang isang sambayanan sa umagang ito upang sa pamamagitan ng salita niya, katawan at dugo ni Kristo at ng Espiritu Santo naibubuhos po sa atin, tayo po ay mapanibago bilang mga tagasunod niya at bilang sambayanang kristiyano.
Sa araw pong ito tayo ay nagagalak dahil nasaksihan natin ang installation o pagtatalaga sa atin pong bagong kura paroko si Fr. GC/Gaudencio Carandang, SDB. Hindi na po siya kolorum, opisyal na po. Palakpakan din ninyo siya. At nagpapasalamat po tayo sa Salesians of Don Bosco na nangangalaga sa buhay pananampalataya ng atin pong sambayanan.
Nagpapasalaman din po tayo sa mga kapatid nating pari galing sa ibang mga parokya lalo na dito sa Vicariate ipagdasal niyo po sila dahil nandito sila, baka walang nagmimisa sa kanilang mga parokya.
Maganda po ang ating mga pagbasa, ito po yung mga regular na pagbasa pero malaki ang sinasabi rin sa ating pinagdiriwang sa araw na ito; ang pagtatalaga ng ating bagong kura paroko at ang panawagan sa atin kung paano nga ba sumunod kay Kristo bilang isang Sambayanang Kristiyano.
Hindi tayo basta sambayanan, sambayanang Kristiyano. Marami namang iba’t ibang uri ng sambayanan basta’t mayroon dalawa o tatlo na nagkasama-sama puwede nang sabihing sambayanan. Halimbawa lahat ng mga mahilig magtong-it, mag-uumpuk-umpukan iyan, sambayanan. Anong tawag mo doon? Hindi Sambayanang Kristiyano, sambayanang tong-it.
Yung mga mahilig uminom aba sambayanang sila ng manginginom, yung mga tsismoso at tsismosa naku po parang mga bubuyog iyan, sambayanang hindi maputul-putol ang ugnayan, ano ang tawag? sambayanang tsismisan. Ang dali naman gumawa ng sambayanan; dalawa, tatlo, sige lang sambayanan na kayo pero sambayanang Kristiyano. Bakit bigla kayong tumahimik? Parang mas madali yata yung mga ibang uri ng sambayanan pero kapag ka Sambayanang Kristiyano, sa biglang tingin parang napakahirap pero napakaganda.
At sana mamayani ang pagkabighani natin sa kagandahan ng pagiging sambayanan na sumusunod kay Kristo. Dalawang bagay lang po ang aking ibig ibahagi sa pagninilay, yung una po mula sa propeta Jeremias sa unang pagbasa. Yung mga Israelita nuong panahong iyon akala nila basta nakapasok sila sa templo, banal na sila. Kasi ang templo ay ang tinatawag na tahanan ng Diyos kaya basta kami ay nakapasok sa templo, malapit na kami sa Diyos, kapag kami ay nasa loob na ng templo protektado na kami ng Diyos. Sabi naman ng Diyos sa pamamagitan ng propeta Jeremias, huwag ninyong gamitin dahilan iyan na dahil kayo ay labas-masok ng aking templo at kayo ay may mga ginagawang seremonya sa aking templo, huwag ninyong isipin na kayo nga ay taga sunod ko na.
Hindi iyon ang tinitignan ng Panginoon, natutuwa siya; pumapasok sa templo, natutuwa siya; nag-aalay ng panalangin at mga handog’t sakripisyo pero may hinahanap pa ang Diyos. Sabi niya magbagong buhay na kayo. Labas-pasok kayo sa aking tahanan subalit sumasamba naman kayo sa iba rin diyus-diyosan, sumasamba kayo sa pera, sumasamba kayo sa kapangyarihan, pinagpapalit ninyo ako sa ibang mga huwad na diyos.
Labas-pasok kayo sa aking bahay pero hindi naman natitigil ang inyong nakawan, siraan, patayan. Akala ninyo nagiging banal na kayo dahil lang pumasok kayo sa banal na templo? May hinahanap ang Diyos na hindi nasa seremonya kundi sa buhay. Hindi niya sinasabing tumigil kayo ng pagpasok sa templo, sinasabi niya sana pagpasok sa templo ay naipapakita rin sa kabanalan ng buhay.
Madali naman pumasok sa simbahan, pero yung isabuhay ang salita ng Diyos na aking narinig ibang usapan na iyon. Madaling pumasok sa Simbahan pero yung tularan si Hesus na nagbigay ng kanyang katawan at dugo para sa kapwa ibang bagay na iyon. Okay yung pagpasok sa Simbahan, nagdo-donate ako, pero baka hanggang dito lang nagbibigay pag-uwi saksakan ng kuripot.
Dito sa sa loob ng templo kapag sinabi mamaya ng Diyakono magbigayan tayo ng kapayapaan sa isa’t isa aba bigayan nga pero paglabas at nakita ang hindi kasundo babatiin pa rin? Hindi nai-impress ang Diyos sa mga papasok lang sa banal ng lugar pero lumalabas ng banal na lugar na hindi nagiging banal ang puso, ang ugali, at ang pakikitungo sa kapwa.
Bakit tahimik kayo? natutulog na ba kayo? Kasi kapag mahirap na yung pakikinggan natutulog na lang yung iba. Pero magandang pinaaalalahanan tayo ng Salita ng Diyos ng ganito kasi po sa totoo lang pasalamat tayo, sa Pilipinas puno pa ang mga simbahan. Nakapunta po ako sa isang simbahan sa Italy na pinuntahan ko dahil doon daw bininyagan, doon lumaki ang isang santa. Ako’y hangang-hanga sa santang iyon sabi ko gusto kong makita yung kanyang lugar at doon daw nanalangin itong santang iyon at yung krusipiho nagsalita pa, nakipag-usap dun sa santa.
Pumunta ako pagdating ko po doon, yung Simbahan ay pinamamahalaan na ng department of tourism hindi na yung simbahan, at magbabayad ka pagpasok. Nagulat ako, nagpakilala ako na galing Pilipinas, ako po’y Obispo. Lumabas yung nagtitinda ng ticket; welcome po, galing pa po kayo sa Pilipinas, Obispo po kayo. Sabi ko salamat. Sabi niya, dahil ang layo ng pinanggalingan niyo at Obispo kayo bibigyan ko kayo ng discount. Hindi pa ako nilibre, discount lang. Pagpasok ko lima hilera na lang ang upuan at bakante na yung simbahan. Sabi ko bakit kakaunti lang yung upuan? Sabi iyan lang naman po ang napupuno kapag Linggo. Ganun na lang. Tapos yung guide ko walang binanggit tungkol dun sa santa, ang pinaliwanag sa akin ay yung mga marmol, yung mga bato na ginamit kung saan nanggaling, yung mga paintings kung sino ang gumawa.
Naghihintay ako, hindi ba ipapaliwanag yung buhay nung santa? Tapos sabi sa akin gusto ninyong makita yung baptistery kung saan nagbibinyag kasi historic po iyon. Sabi ko sige, sabi niya bibili pa po tayo ng isa pang ticket. Sabi ko ay tama na, aba’y mauubos ang aking baon na bawat kibot mo ay magbabayad ka pala, tapos ako na ang nagtanong saan ba yung kapilya? Kung saan nakausap nung santa ang Diyos? Dinala ako. Sabi ko puwede ba akong magmisa? Oho. Nilagyan ng mga gamit, wala kahit isa na nagsimba. Huwag tayong yayabang kasi sasaatin nga minsan maraming misa.
Maraming tao, ang init iyan ang ating nirereklamo. Pasalamat tayo sa Diyos marami pang pumupunta sa simbahan. Pero ang paalaala ng unang pagbasa, marami ngang pumupunta sa simbahan nagbabago ba ang puso at buhay? Gusto rin ng Panginoon makita itigil ang pagnanakaw, itigil ang pagsasamantala, itigil ang patayan, itigil ang pagwawalang-bahala sa kapwa at hindi raw natin puwedeng sabihin sa kanya “pumasok ako sa templo” baka sabihin ng Panginoon parang hindi kita kilala. Iyon po yung una at lahat tayo kailangan umamin, kasi kahit tayong mga taong simbahan kung ituring ay kailangan talagang patuloy ang pagbabagong-loob.
Wala sa atin puwedeng magsabi “okay na ako” ,ako ay modelong tagasunod ni Kristo, ang nagsasabi niyan ay nagsisinungaling. Sabi nga po sa bagong tipan, pati ang pinakabanal na tao ay nagkakasala pitong beses isang araw; ibig sabihin yung patuloy pagbabalik-loob. Kaya pagkatapos ng misa yung mga may kaaway pupuntahan ninyo at sasabihin ninyo galing ako sa simbahan, magkasundo na tayo. Pagkatapos ng misa yung mga may utang sa inyo pupuntahan ninyo kasi sabihin ninyo sa misa dinasal ko patawarin mo ako sa aking mga utang gaya nang pagpapatawad ko sa nagkakautang sa akin, kaya ang utang mo ay pinatawad ko na.
Bakit kayo nagtatawanan, hindi ako nag jo-joke, serious ito. Ang hirap ano ho? Madali lang yung pumasok lang ng simbahan, pero yung isabuhay ang diwa ng Salita ng Diyos, ayan pagiging Kristiyano. Yung panghuli pong punto ay galing sa Ebanghelyo. Papaano natin haharapin yung kasamaan hindi lamang sa labas kundi pati sa atin? Sa talinhaga na pinakita ni Hesus, ang paghahari ng Diyos ay katulad ng taong naghasik ng mabuting binhi. Syempre naman kung ikaw ay maghahasik na gusto mong may anihin ang ihahasik mo ay mabuting binhi. Pero nuong natutulog na sila may naghasik ng masamang binhi.
Napansin lang ito nuong lumalago na ang mga halaman. Ano ang mga aral dito? Kasi maraming nagtatanong akala ko ba ang Diyos mabuti at ang inihasik niya mabuti? Bakit may masama? Ang sagot ng Ebanghelyo may kaaway. Hindi Diyos ang naghasik ng masamang binhi ang kaaway. May kaaway at yung kaaway ayaw na maghari ang Diyos. Kaya hahadlangan niya ang mabuting binhi na hinahasik ng Diyos. Hindi lang Diyos ang naghahasik, may kaaway na iba ang hinihasik. Pero ito po, nung makita na lumalago na sabi nung mga katiwala duon sa may-ari, bunutin na natin ang damo. Nakakapagtaka ang sagot ng may-ari huwag, hayaan muna sila; yung trigo at yung damo. Bakit po? Kasi po yung ginamit na halimbawa dito trigo at yung damo. Kapag hindi ka matalas, magkamukha kasi yung trigo at yung damo at ganyan katalim ang kaaway kaya niyang itago ang masamang binhi.
Yung masamang binhi mukhang maganda at mabuti para maitago. Ngayon po yung may-ari ng lupa hinihimok niya yung mga manggagawa niya teka muna marunong ba kayong mangilatis kung ano diyan ang trigo at ano diyan ang damo? Kasi kung hindi mo alam sabi nung may-ari baka ang bunutin mo ay yung trigo at ang lalong maiwan ay ang masamang damo. Kaya hindi ito yung i-tolerate na lang kundi mag-aral ka nung tinatawag na discernment. Kasi yung kaaway lumalapit parang anghel. At pagbunot ka na lang ng bunot nang hindi ka marunong kumilatis baka ang nasisira mo ang tunay na trigo at ang naiiwan mong nakatanim ay ang damo.
Kaya pasensiyoso ang may-ari, hayaan mo, mag-aral kayo hanggang makilatis na ninyo at sa huling araw ang mga tunay na trigo ay kukunin para sa kaharian ng Diyos at ang tunay na damo itatapon. Pero habang nandito basahin, huwag bunot agad. At ang isa pa sabi sa Ebanghelyo magkahalo rin minsan, bawat isa sa atin, lahat naman tayo may kabutihan, mayroon tayong trigo pero lahat tayo mayroon din kasalanan, mayroon din tayong pagkadamo. Kapag binunot lahat ng damo, lahat tayo mabubunot, walang matitira. Kasi may pagkadamo tayo. Kaya kung lahat ng may kasalanan ay sasaktan, bubunutin, at papatayin walang matitira.
Kilatisin baka ang binubunot mo ay trigo na nagsisimulang lumago at baka ang pinanatili mo ay ang damo na nagtatago sa anyong damo. Kaya sa tulong ng Salita ng Diyos, ng mga sakramento, sa tulong ng Espiritu Santo sana mas lumago ang trigo na ipinunla ng Diyos sa atin at sigurado ang kaaway ay magpupunla nang magpupunla ng masamang damo sa atin. Pero maging makilatis baka ang dinidilig natin ay yung damo at napapabayaan ang tunay na trigo.
Mga bata, mga kabataan buti nandito kayo salamat, habang bata kayo ha aanuhin na ninyo. Kasi ang kaaway hindi naman iyan darating na mukhang kaaway, para kayo mahuli at para kayo mapalapit ang mukha niyan mukhang mabait. Hindi lahat ng mukhang mabait ay kakampi. Kaya kapag kayo pinagsasabihan ng magulang ninyo, hindi kaaway ang magulang baka siya nga ang tunay na kaibigan at yung nagsasabi sa iyo labanan mo yang nanay tatay mo, masamang tao iyan, hindi iyan kaibigan baka iyan ang kaaway na naghahasik ng hindi maganda.
Baka yung tinatapon ninyong trigo yun ang tunay na mabuti. Minsan nag kumpil ako. sabi ko doon sa mga bata sa kumpil pipiliin na ninyo si Hesus hindi na yung mga kaaway ni Hesus. Sila naman opo. Tapos binigyan ko ng mga tanong. Sabi ko pagkatapos ng kumpil ano ang pipiliin ninyo? Pagbubulakbol o pag-aaral? Sagot sila, pag-aaral po. Nakakatuwa naman. Sabi ko ano ang mas mahalaga panonood ng tv o pagdarasal? Pagdarasal po. Sabi ko ano ang mas mahalaga ang misa o 30 million dollars? 30 million dollars. Pinili na naman ang damo. Kay daling malinlang sa kinang, akala natin tunay na trigo. Ang tunay na trigo ay ang katawan ni Kristo, ang tinapay ng buhay.
Mga bata kapag sa exam hindi nyo masagot yung tanong tapos yung katabi ninyo sasabihin ito i-share ko sa iyo ang aking mga sagot, baka sasabihin ninyo naman praise the Lord, dumating ang tulong ng Panginoon, baka kaaway iyan. Dapat sasabihin mo hindi, mabuti nang bumagsak ako ng may dangal kaysa pumasa na nandaraya.
Mga kapatid kayo ang tatanungin ko. ano ang mahalaga ang misa o 300 million dollars? Mga bata lang ang sumagot dito. Talagang hirap na hirap. Ano ang mahalaga misa o 350 million dollars? Misa. parang masama ang loob. Patience, discernment at yang perseverance in growth in following the Lord. May humility, hindi tayo mapanghusga kasi alam natin mayroon din tayong kadamuhan hindi lang tayo trigo.
Fr. GC bilang bagong kura paroko hindi lamang ikaw pero ikaw ang isa sa magiging gabay ng sambayanang ito sa paglago sa buhay Kristiyano. Nasa iyong paglilingkod harinawa ang isang maging inspirasyon nila sa pagbabagong buhay at sa napakagulong mundo, sa nakalilitong pangyayari sa ating kapaligiran na hindi mo na alam ano ang trigo at ano ang damo, bubunutin mo ba? Hahayaan muna ba? Tulungan, gabayan mo ang community para maging discerning sa liwanag ng Salita ng Diyos, sa liwanag ng mga sakramento, at ng Espiritu Santo.
At sa inyo rin mga kapatid hinahabilin naming si Fr GC hindi lang naman po yung parish priest ang dapat nag-aalaga sa sambayanan, alagaan din po ninyo siya. Huwag ninyong pataasin ang kanyang cholesterol, huwag ninyong pataasin ang kanyang blood sugar. Alagaan ninyo ang kanyang pananampalataya. Kami pong mga pari at relihiyoso kailangan din namin ng inspirasyon, paghamon sa inyo galing sa inyo. Kapag kayo’y tapat sa buhay may asawa kayo po ay naiinspire na maging tapat sa aming buhay pagpapari. Kung kayo po ay kumakapit sa Salita ng Diyos kaming mga pari ay nahahamon, hinahamon ninyo na kumain din sa Salita ng Diyos. Kaya sa inyo pong mga kamay inihahabilin namin si Fr. GC at sa inyong kamay Fr. GC inihahabilin din ang napakabuting sambayanan dito ng St. John Bosco.