180 total views
Masigasig pa ring isinusulong sa Archdiocese ng Cebu ang pagtulong sa mga Drug Dependents sa lalawigan.
Ayon kay Fr. Carmelo Diola ng Dilaab Foundation, nagsimula ang kanilang community based Drug Rehabilitation taong 2016.
“Mayroon tayong 3 phases nito. Una 2 months bring together the leaders in the community, pagkatapos ang actual intervention which is four to six months ang kaibahan po sa amin ay daily ito tapos healing from 6 to 8 hours and ang third phase ang ‘After Care’ livelihood and integration,” ayon kay Fr. Diola.
Sa kasalukuyan ay aktibo na rin ang Cebu Archdiocesan Program for Drug Dependence sa pamamagitan ng Sugo o Surrendered to God at ang Labang o Lahat Bangon na pinasimulan ng Dilaab Foundation.
“You have to bring them together, It is the church that will bring that together. It is very challenging lalu na sa simula but we are coping,” dagdag pa ni Fr. Diola.
Ayon kay Fr. Diola, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Simbahan, Barangay at Pulisya mayroon na silang 200 volunteers sa 10 mga parokya at 15 limang barangay sa Cebu para pangasiwaan ang araw-araw na pagtulong para sa pagpapanibago ng mga nalulong sa masamang bisyo.
Bukod sa mga faith based approach, nagbibigay din ang Cebu ng after care program kabilang na ang livelihood training para sa mga pasyente.
Noong Abril isinagawa sa Cebu City ang ‘National Conversation on Church Led Recovery Program na dinaluhan ng mga kinatawan ng may 20 diyosesis sa buong bansa.
Bukod sa SUGO at Labang ng Cebu mayroon naman ang Archdiocese ng Manila na Sanlakbay; Salubong ng Diocese ng Caloocan; HOPE center ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija; at ang 27 taon nang Galilee Homes ng Diocese ng Malolos na nagbibigay ng programa para sa lulong sa bisyo.
Una na ring inihayag ng Philippine National Police (PNP) ang pakikipagtulungan sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) para sa rehabilitasyon ng higit sa 1.2 million drug surrenderers.