259 total views
Ang mga Kabataan ay dapat na aktibong maki-alam at maki-bahagi sa nakatakdang 2019 Midterm Elections sa susunod na taon.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Rona Ann Caritos – Executive Director ng Legal Network For Truthful Elections (LENTE) at chairman ng Task Force Eleksyon sa malaking gampanin ng mga kabataan para sa nakatakdang halalan.
Ipinaliwanag ni Atty. Caritos na malaking bilang ng mga botante ay mga kabataan kaya’t nararapat lamang ang kanilang aktibong pakikibahagi sa nakatakdang 2019 Midterm Election.
Ayon kay Caritos, mahalaga ang matalinong pakibahagi ng mga kabataan sa mga usaping panlipunan tulad na lamang ng halalan na isa sa mga pantay na karapatan ng bawat mamamayan sa isang demokratikong bansa.
“Ang pinaka-kailangan na sektor ngayon ng ating lipunan na mas kailangang maging parte ng Task Force at lalo na ng ating Eleksyon ay ang kabataan kasi kita naman natin sa data ng COMELEC, ng ating Commission on Elections na 60-percent ng ating mga botante ay mga kabataan, 18 (years old) above 60-percent. Nakikita natin na dapat mas marami yung role nila or mas malaki yung kanilang gagawin sa darating na eleksyon…” pahayag ni Caritos sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang inihayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth na mahalaga ang aktibong pakikibahagi ng lahat partikular na ang mga kabataan sa halalan upang maibahagi ang kanilang kalakasan, talino at angking kakayahang ipinagkaloob ng Panginoon.
Kaugnay nito batay sa inisyal na datos ng Commission on Elections o COMELEC, mahigit sa 60-porsyento ang bilang ng mga kabataang registered voters mula sa kabuuang 59.5-milyong rehistradong botante sa bansa.