209 total views
Ipagdasal ang Bansang Pilipinas upang matamo ang tunay na pagbabago.
Ito ang panawagan ni Rev. Fr. Edu Gariguez, Executive Secretary ng CBCP National Secretariat for Social Action o NASSA Caritas Philippines sa bawat mamamayan kaugnay sa kasalukuyang sitwasyon ng lipunan.
Ayon kay Fr. Gariguez, malaki ang maitutulong ng bawat mamamayan sa pagbabago tungo sa isang mapayapa at maunlad na lipunan.
Bukod dito ay mahalagang ipanalangin ang mga namumuno sa bansa na maglunsad ng mga programa at polisiyang makatutugon sa pangangailangan ng Bayan na maitataguyod ang karapatan ng bawat isa.
“Ipagdasal ang ating Bayang Pilipinas, at ipagdasal din natin ang ating mga Pinuno na para talaga magsulong ng makabuluhan at makahulugang pagbabago hindi yung pagbabagong patungo sa kasamaan kundi nais din natin na manawagan upang yung Moralidad sa Lipunan, Tunay na kaunlaran, at paglilingkod sa mga mahihirap ay mas higit na maisaalang-alang ng kasalukuyang Pamahalaan.” pahayag ni Fr. Gariguez sa Radio Veritas.
Umaasa ang pari na makita ng pamahalaan ang paglaganap ng kahirapan sa bansa na batay sa huling Social Weather Station survey ay mahigit sa 11 milyong Filipino ang naghihirap at mahigit 2 milyong pamilya naman ang nagugutom.
Bilang pakikiisa ng Simbahang Katolika sa Pamahalaan ay naglunsad din ito ng iba’t ibang programa na tutulong maihatid ang pagbabagong nais ng kasalukuyang Administrasyon.
Halimbawa dito ang pagtatayo ng mga programang pangrehabilitasyon para sa mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot, pagbibigay ng libreng pagsasanay para sa pangkabuhayan ng mamamayan at feeding programs sa iba’t ibang parokya sa 86 na mga Diyosesis at Arkidiyosis sa bansa.
Patuloy ang panawagan ng Simbahang Katolika sa pagkakaisa upang makamit ang pag-unlad at pagbabago ng Sambayanan.