246 total views
Nakatakdang pasinayaan ng Diocese of Maasin, Southern Leyte ang paglipat ng mga parokya nito patungo sa paggamit ng renewable energy.
Ayon kay Jun Cruz, Managing Director ng WeGen Laudato Si, isang karangalan na maging bahagi ng proyekto ang Diocese of Maasin na tumutugon sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa pangangalaga ng kalikasan at hindi paggamit ng fossil fuels bilang pinagkukunan ng enerhiya.
Sinabi ni Cruz na ang hakbang na ito ng Diyosesis ay magiging isang malaking inspirasyon para sa iba pang mga Diyosesis sa Pilipinas patungo sa pagtugon sa suliranin sa kapaligiran.
“It is with honor that WeGen Laudato Si is announcing that the Diocese of Maasin in Southern Leyte, under the Spiritual Leadership of Bishop Precioso Cantillas, SDB, D.D., will inaugurate the transition of all their Parishes towards renewable energy,” pahayag ni Cruz sa Radio Veritas.
Ang pagpapasinaya sa 42 parokya sa ilalim ng Diocese of Maasin ay isasagawa kasabay ng ika-50 anibersaryo nito sa ika-14 ng Agosto.
Ito ang magiging kauna-unahang Diyosesis sa buong mundo na ang lahat ng simbahang nasasakupan ay Solar Powered, at kabilang dito ang makasaysayang First Mass Chapel sa Limasawa Island, kung saan unang ginanap ang kauna-unahang banal na Misa sa Pilipinas noong March 31, 1521.
“All the Parish Churches including the historic First Mass Chapel in Limasawa Island have Photo Voltaic Systems powered-up already, signaling their concrete response to Ecological Conversion as called forth by Pope Francis.” Dagdag pa ni Cruz.
Matatandaang noong 2017, umabot sa 40 mga katolikong institusyon, at maging mga Diyosesis at Arkidiyosesis mula sa iba’t-ibang bansa ang una nang nag-divest mula sa fossil fuels.
Sinundan pa ito ng 35 mga Katolikong institusyon kabilang na ang Caritas Internationalis nito lamang Abril ng kasalukuyang taon.