718 total views
Mahalaga ang papel ng Simbahang Katolika upang maisulong ang paggamit ng wikang Filipino sa Bansa.
Ito ang apela sa Simbahan ni Ginoong Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining kaugnay sa mahalagang papel ng Simbahan sa pagsusulong ng wikang pambansa partikular na ngayong buwan ng Wika.
Ayon kay Almario, ang Simbahan ang dapat na mismong maging modelo sa paggamit ng wikang Filipino sa halip na Ingles partikular na sa pagdiriwang ng Banal na Misa.
Apela ni Almario, naaangkop lamang na bukod sa mga Regional Language ay Filipino lamang ang dapat gamiting wika sa Banal na Misa sa halip na Ingles.
“Napakahalaga dapat na ang Simbahan mismo ay maging modelo sa paggamit ng wikang Filipino, ang akin ngang pansin sa ating Simbahan mas marami pa ring Ingles, sa misa lamang ay napapansin ko halimbawa sa mga Regions dapat sana ang maging role, okey gamitin mo ang Regional Language pero kung hindi available ang regional language dapat Filipino ang ginagamit sa halip na Ingles…” Apela ni Almario sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, tuwing buwan ng Agosto ay ginugunita ang Buwan ng Wika kung saan tema ngayong 2018 ang “Filipino: Wika ng Saliksik.”
Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ang naturang tema upang kilalanin ang wikang Filipino bilang midyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang karunungan at kaunlaran.
Layon ng tema na maipalaganap ang wikang Filipino sa iba’t ibang larangan ng karunungan partikular na sa agham at matematika.
Samantala, hinihikayat din ng Komisyon ang iba’t ibang Ahensya ng Pamahalaan at maging mga Pampribadong Ahensya na makiisa sa mga programang makapagpapataas ng kamalayang Pangwika at Sibiko upang ganap na mahikayat ang mamamayang Filipino na pahalagaan at gamitin ang Wikang Pambansa.
Batay sa datos ng National Statistics Office (NSO) sa 2000 Census of Population and Housing (CPH), mayroong tinatayang 150 Diyalekta at Lenggwahe sa Pilipinas kung saan pangunahing naitalang ginagamit sa mga tahanan ang Tagalog, na sinundan ng Bisaya, Ilocano, Hiligaynon at Ilonggo.