194 total views
Palakasin pa ang Social Communications Ministry ng Simbahan para harapin at tuklasin ang katotohanan.
Ito ang binigyan diin ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Communications sa ginaganap na 4th National Catholic Media Convention sa Davao City.
Ipinaliwanag ng Obispo na bilang Catholic Media kailangang harapin ang bawat sitwasyon at gamiting pundasyon ang katotohanan sa harap na rin ng mga nakakagambala sa paligid.
“Kasi katulad nga nitong mga issues tungkol sa Federalism, iyan ay ina-attach sa ganyan, importante na magkaroon tayo ng tinatawag na critical thinking and study tungkol sa ganitong sitwasyon. Iyan ang pagharap sa katotohanan. Hindi sa nadi-distract tayo, nadadala rin tayo ng ating mga emosyon, ang nangyayari ay nagkakaroon din ng distorted opinion forming na hindi nakakatulong,” ayon kay Bishop Vergara.
Sa panayam ng Veritas Pilipinas, sinabi ni Bishop Vergara, hindi lamang ‘Fake News’ kundi mga ‘Distractions’ ang kinakaharap na suliranin sa media na kailangan bigyang pagninilay para matukoy ang katotohanan.
Sinabi pa ng Obispo na mahalaga sa Church Media na pagnilayan ang bawat sitwasyon at maging hamon na maipahayag ang kabutihan para sa mas nakakarmai.
“We had a fruitful 4th National Catholic Media Convention, ang maganda lang ay lahat po tayo ay hinahamon na maging talagang propeta ng katotohanan pero magagawa lang natin iyon, una kung nagdadasal tayo kay Kristo na katotohanan. Ikalawa, yung mga prinsipiyo ng katotohanan ay paninindigan natin at kung papaano din natin ito ipapahayag lalo na sa mga sitwasyong nagaganap na ngayon. Pero ang maganda tingnan natin talaga ang katotohanan ng Mabuting Balita, marami kasing masamang balita, yung Mabuting Balita na makakatulong hindi lamang sa Simbahan kundi lalo na sa lipunan,” ayon kay Bishop Vergara.
Ang Media Convention ay dinaluhan ng may 140 Delegado, kabilang na ang 30 mga Pari mula sa mga Communication Ministry ng iba’t ibang Diyosesis sa Bansa.