197 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga magulang na bantayang mabuti ang pagkaing pumapasok sa sistema ng kanilang anak.
Ipinaliwanag ng Kardinal na hindi lamang ito basta mga pampisikal na pagkain, kundi maging ang mga humuhubog sa kaisipan ng mga kabataan tulad ng social media, mga pelikula at mga video games.
Aniya, lubhang nakakaalarma ang pagtaas ng bilang ng mga nagpapakamatay, at higit pang nakababahala na karamihan sa mga ito ay mga kabataan.
“Nakakaalarma baka mayroon silang mga nakakain, ano kaya ‘yang nakakain, pinakakain nang Social Media, pinapakain ng kung anong pelikula, kahit mga video games na pumapasok na sa sistema nila. Hindi lang ‘yong pag-patay sa kapwa e, pati na sarili puwede nang patayin,” bahagi ng Homiliya ni Kardinal Tagle sa banal na misa kasabay ng pagbabasbas sa bagong Oratoryo ng San Carlos Seminary Pre-College Department.
Sa tala ng World Health Organization umaabot sa 800,000 tao ang nagpapakamatay kada taon na halos katumbas ng 40 tao sa bawat Segundo.
Lumabas din sa kanilang pag-aaral na ito ang ikalawang sanhi ng pagkamatay ng mga indibidwal na nasa edad 15 hanggang 29.
Kaugnay nito, ipinaalala ng Kardinal kung gaano kahalagang mabantayan ang mga bagay na kinakain ng isang indibidwal dahil nagiging bahagi ito ng sistemang bumubuo sa kan’yang katauhan.
Iginiit niya na bukod sa pagpili ng mga pagkaing masustansya at makabubuti para sa tao ay kinakailangang bantayan din ang mga pagkaing nakalalason sa katawan, isip, at katauhan.
Hinimok pa nito ang mga magulang, at mga kabataan, maging ang mga seminarista na tulungan ang kasalukuyang henerasyon na pumili ng nararapat na pagkain.
Umaasa ang Kardinal na buo ang magiging pagtanggap at pagkain ng bawat tao kay Hesus na S’yang bukal ng buhay na walang hanggan at pumupuno sa pagkagutom ng pananampalataya ng mga tao.
Paalala ni Kardinal Tagle, huwag iluwa, huwag isantabi, at papasukin ng buo si Hesus sa ating buhay at sistema.
“Kasama ‘yan sa mga misyon natin, kayo na may mga barkda, may mga kaibigan, kayong nag-a-apostolate tingnan rin ninyo ‘yon. At tulungan natin ang ating mga generation na pumili kung ano ang dapat kakainin at sana si Hesus ay huwag iluwa, huwag isantabi kundi talagang tanggapin sa ating buhay.” Dagdag pa ng Kardinal.