149 total views
Tiniyak ng Caritas Manila Restorative Justice Prison Ministry ang pagpapatuloy sa mga Programa at Adbokasiya para sa mga bilanggo sa kabila ng mga nagaganap na karahasan sa lipunan.
Ayon kay Caritas Manila RJ Program Coordinator Sr. Zeny Cabrera, ang pagsusumikap ng RJ Ministry na makapagkaloob ng ayuda at paggabay sa mga bilanguan sa Bansa ay bahagi ng pagpukaw sa kamalayan ng mga bilanggo sa pagpapahalaga sa buhay na dapat na mapangalagaan.
Iginiit ng Madre patuloy na magsusumikap ang RJ Ministry sa pagsusulong ng kahalagahan ng buhay sa kabila ng tila mas nagiging marahas na sistema sa Bansa na taliwas sa kalooban ng Panginoon.
“Nagpapatuloy ang programa despite many things kasi pinapaalam namin sa mga bilanggo na kaya kami pumapasok at tumutungo sa inyo sa mga pag-aaral na ito, Gusto naming matanim sa inyong kaisipan, sa inyong kalooban na pinapahalagahan natin ang isa’t isa kaya pangalagaan nila ang kanilang sarili kahit na ang sistema ngayon ay laban sa mga kalooban ng Diyos…” pahayag ni Sister Cabrera sa panayam sa Radyo Veritas.
Batay sa pinakahuling tala ng Bureau of Jail Management and Penology noong 2017, umaabot na sa higit 131 – libo ang bilang ng mga bilango sa buong Bansa na karamihan ay may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.
Sa tala naman ng Philippine National Police at ng mga Human Rights Groups umaabot na sa higit 23,000 ang nasawi mula ng magsimula ang Administrasyong Duterte na nagpatupad ng mas pinaigting na Kampanya laban sa illegal na droga.
Naunang nagpahayag ng pagsang-ayon at pakikibahagi ang Caritas Manila Restorative Justice Prison Ministry sa naging deklarasyon ni Pope Francis na hindi katanggap-tanggap kailanman ang pagpapataw ng Death Penalty.
Samantala, kabilang sa mga programang ipinagkakaloob ng Restorative Justice Prison Ministry sa mga bilangguan ay ang pagmumulat sa kamalayan ng mga bilanggo sa kahulugan ng pagiging tao, ang kahalagahan ng Dignidad at ang mga Karapatang tinataglay ng bawat isa.