197 total views
Muling nanawagan ang Prelatura ng Infanta sa pagtutol sa pagpapagawa ng Kaliwa dam sa Infanta Quezon.
Ayon kay Infanta Bishop Bernardito Cortez hindi sila tutol sa pag-unlad at pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig sa Metro manila subalit malalagay naman sa panganib ang mga Residente sa Infanta.
“Noong 2004 ay nakaranas kami ng parang Yolanda mahigit sa isang libo ang namatay, noon po wala pang dam. At alam naman po natin ang uri ng ulan at ng Klima, kawawa naman kami,” ayon kay Bishop Cortez.
Paliwanag ng Obispo, kabilang ang kanilang lugar sa fault line kaya’t hindi naakma ang pagkakaroon ng dam sa lalawigan.
“Alam po natin na ang lugar namin ay bahagi ng fault line, may darating at darating na lindol. At ito po ay daanan ng lindol at magtatayo ng dam,” ayon pa sa Obispo.
Sa ulat, tinatayang aabot sa P18.7 bilyon ang Proyekto na mula sa Official Development Assistance o ODA mula sa China at inaasahang matatapos sa taong 2023.
Una na ring naglabas ng Pastoral Letter si Bishop Cortez bilang pagtutol sa pagtatayo ng dam sa Infanta.
Sa isang mensahe ng kaniyang kabanalan Francisco sa ensiklikal na laudato si, binigyan diin nito na hindi dapat ipagpalit sa kaunlaran ang kaligtasan ng kalikasan at mamamayan.