247 total views
Mahalaga ang Edukasyon bilang isa sa mga salik para makamit ang magandang kinabukasan.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila, ito ang layunin sa pagpapalawak ng mga programa ng Simbahang Katolika sa pangunguna ng Social action ng Archdiocese ng Manila ang Caritas Manila.
Ang pahayag ng Pari ay kasabay ng pagbukas sa ika – 32 Segunda Mana Charity Outlet sa V. Luna Street sa Quezon City.
Paliwanag ni Fr. Pascual, pangunahing benipisaryo ng Segunda Mana ay ang scholarship program ng Caritas Manila ang Youth Servant Leadership Program o YSLEP kung saan nagpapaaral ito ng mahigit sa 5-libong kabataan sa buong Bansa.
“Ang proceeds po nito, ang napagbentahan ay gagamitin naman natin sa pagpapaaral ng mga kabataan sa Voctech at lalong lalo na sa Kolehiyo.” Pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Noong 2017 mahigit sa 1-libong iskolar ang nakapagtapos sa kolehiyo kabilang na ang mahigit sa 400 mula sa Eastern Visayas partikular sa Samar at Leyte na labis naapektuhan ng bagyong Yolanda noong 2013.
“Nagpapatapos tayo isanlibo, isang taon ng College Graduate sa buong Pilipinas, hindi lang mga Kristiyano kundi ang mga Iskolar na Muslim at mga katutubo.” Dagdag pa ni Fr. Pascual.
Sa tala ng Caritas Manila – YSLEP, mula 2011 hanggang 2017 umabot na sa 3, 487 ang nakapagtapos at 98 porsiyento dito ay nagtatrabaho na sa iba’t ibang mga kumpanya sa Bansa.
Dahil dito nagpapasalamat naman ang pari sa mga nagsipagtapos dahil bukod sa pagtulong sa kanilang mga pamilya ay tumutulong na rin ito sa mga kapwa iskolar ng YSLEP sa pamamagitan ng pay forward program o ang yearly pledge nito sa CARITAS MANILA ALUMNI SCHOLARS ASSOCIATION (CAMASA), samahan ng mga nagsipagtapos na iskolar ng Caritas Manila.
Samantala, sa 32 Charity outlet ng Segunda Mana, 1 dito ay matatagpuan sa Iloilo City at inaasahan pa ang pagpapalawak nito at pagbubukas sa iba pang lalawigan sa Visayas at Mindanao.
Ito ang isa sa mga pamamaraan ng Simbahang Katolika sa Bansa upang matulungan at maabot ang mga mahihirap sa lipunan na nangangailangan ng pagkalinga ng kapwa.