236 total views
Homily
Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle
3-day Nobenaryo para sa kapistahan ni San Roque sa San Roque De Manila Parish, Sta. Cruz, Manila
August 9, 2018
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, tayo po ay magpasalamat sa Diyos na nagtipon sa atin. Siya po ang dahilan kung bakit tayo narito at sama-sama. Magpasalamat tayo sa Diyos sa pagbibigay sa atin ng isang modelo ng pananampalataya at pagsunod kay Hesus, ang ating patron na si San Roque na tumulong sa mga nangangailangan lalo na sa panahon ng kagipitan at ng peste pati ang kanyang sariling buhay ay kanyang ibinuwis para lamang makatulong sa kapwa, kaya maganda po ang ating pagdiriwang.
Ang mga pagbasa po natin sa araw na ito ay may magandang paala-ala sa atin, lalo na kung ibig nating maging banal katulad ni San Roque.
Sa unang pagbasa mula kay propeta Jeremias, ipinangako ng Diyos na magbibigay siya sa atin ng bagong puso, ng bagong kalooban. At doon sa ating puso at kalooban, doon niya isusulat ang kaniyang kautusan. Ang kautusan ng Diyos hindi na niya isusulat sa papel na mababasa, hindi sa mga bato katulad nang binigay kay Moises, ang kanyang batas ilalagay na niya sa ating puso, upang doon sa ating kalooban, doon tayo makipagtipan sa kanya. Mula sa puso doon natin mapapakinggan ang kanyang kagustuhan at mula sa puso doon din tayo tutugon, aayon sa kalooban ng Diyos. Kasi po kapag hindi nailagay sa puso ang utos ng Diyos, tayo kalimitan susunod, hindi susunod na naman.
Halimbawa may mga bata dito, eksamin hindi alam ang sagot dun sa isang tanong, titingin, wala namang nakakakita sa akin, ang teacher palakad-lakad, buksan ko kaya yung aking libro pero kung ang kautusan nasa puso, kahit walang nakakakita, kahit walang teacher, sa puso mo hindi ka mandaraya. Pero dahil wala sa puso nasa labas lang wala namang makakakita di pagkakataon ko na ito. Hindi, hindi ganun, o baka meron ditong mga mister, si misis umuwi sa probinsya, wala naman siya hindi niya ko makikita. Hindi naman niya ko mahuhuli.
Sige, magsusugal muna ako, makikipag-inuman muna ako wala naman bantay. Pero kung nasa puso mo ang utos ng Diyos na mahalin mo ang asawa mo, huwag mong dadayain kahit na walang nakakahuli sa puso mo susunod ka. Mga misis, wala naman si mister nasa abroad, hindi naman niya ako makikita makapag-make up nga at makapag pa sexy-sexy diyan. Bata pa naman ako baka meron pang manigaw sa akin.
Kapag nasa puso ang utos ng Diyos kahit walang nakakakita sa puso mo susunod tayo sa Diyos.Doon gusto ng Diyos na mapakinggan natin ang kanyang salita sa puso at sa puso diyan din tayo tutugon. Ang tawag po diyan sabi ng Panginoon ay ang pakikipagtipan sa kanya.
Tipanan, marami tayong tipanan sa buhay kaya lang minsan hanggang dokumento lang.Magpapakasal ang tipanan hanggang pirmahan lang. Magkakaroon ng eleksyon, magkakaroon ng tipanan, yung mga kandidato may pirmahan pa, covenant, pero hanggat hindi nasa puso, puwedeng baliin at itapon.
Kaya mga kapatid ang unang paanyaya sa atin ngayon ilagay sa ating puso ang utos ng Panginoon. At iyan po ang nangyari sa ebanghelyo kay San Pedro at sa mga alagad, tinanong ni Hesus, Ano ba ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Magaganda naman ang chismis tungkol kay Hesus, si Hesus pala ay pinagchi-chismisan ng mga tao, pero maganda. Akala ng iba siya si Juan Bautista, akala ng iba siya si propeta Elias, akala ng iba siya si propeta Jeremias.
Maganda ang sabi-sabi tungkol kay Hesus, pero tinanong niya, kayo na kasama ko, sino ako? Kayo na lagi kong kasama, ano ang sabi ninyo sino Ako? Sumagot si Simon sabi niya, kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay. Tama ang sagot ni Simon pero sabi sa kan’ya ni Hesus, Simon, kaya tama ang sagot mo hindi dahil iyan ay natutunan mo kung kaninong tao. Tama ang sagot mo kasi ipinagkaloob sa iyo ng aking Ama sa langit ang katotohanan.
Pedro ang pangalan mo kaya tama ang sagot mo kasi sa puso mo napakinggan mo ang salita ng Aking Ama. Para hindi yumabang si Pedro kasi baka sabihin ni Pedro dun sa labing-isang kasama niya, tingnan niyo ha sa ating labing-dalawa ako lang ang tama ang sagot. Magaling talaga ako, sabi ni Hesus, hindi ka magaling.
Kaya lang mabait ang Diyos, ibinigay sa iyo ang katotohanan. Sa puso ni Pedro, ang problema po ng puso ng tao’y marupok, ka’y daling lumimot. Pinaliwanag ni Hesus kay Pedro at sa mga alagad, anong klaseng mesias siya. Sabi ni Hesus, ako yung mesias na huhulihin at ipapapatay subalit muling mabubuhay sa ikatlong araw.
Sabi ni Pedro, hindi po! Hindi mangyayari yan, hindi pupuwedeng ganyan ang mesias na huhulihin, papatayin. Hindi! Sabi ni Hesus, lumayo ka Satanas! Tatlong beses nag-iba ang pangalan niya Simon, Pedro, Satanas. Si Simon naging Pedro noong nakinig ang puso niya sa Diyos Ama. Nung hindi na siya nakikinig sa Diyos at ang pinakinggan nalang niya ang sarili niyang isip, hindi na siya si Pedro, Satanas na siya.
Sabi ni Hesus, lumayo ka Satanas hadlang ka sa akin, ang iniisip mo’y hindi galing sa Diyos kundi sa tao. Balik na naman sa puso, ang puso ba pinakikinggan ang Diyos? Kapag pinakikinggan ang Diyos, katipan natin si Hesus. Pero kapag ang puso hindi na ang Diyos ang pinakikinggan kundi ang sarili na lamang, ang tawag dun, Satanas. Ibig sabihin manunukso pati si Hesus tinutukso. Kaya balik na naman tayo don sa unang pagbasa, ang malinis na puso.
Sabi nga doon sa ating salmo responsoryo, Diyos ko sa aki’y likhain tapat na puso’t loobin. Maganda nga ang panlabas maayos ang buhok, tuwid na tuwid ang kilay, ang mga peleges na banat, pero kung ang kalooban, ang puso hindi katipan ng Diyos, wala din yan. Maganda ang damit, plantsado, meron pang buwaya, mukhang mamahalin, kapag ang puso, hindi ayon sa Diyos, ‘yang damit na yan, wala yan, dekorasyon lang yan.
Meron ngang diploma sa bahay, graduate ng ganito tapos ng ganitong kurso pero kung ang puso hindi katipan ng Diyos, yang diploma mo, yang pinag-aralan mo, baka gamitin mo pa nga sa pagsasamantala sa kapwa. Sa araw na ito ng ating nobena tayo po ay ibinabalik ng Diyos, sa pinaka mahalaga, kamusta na ang iyong puso? Huwag n’yong sasagutin. Okay naman ang cholesterol ko, okay naman ang aking blood pressure, okay naman ang aking x-ray sa puso. Hindi, hindi lang yon, ang tanong ay kumusta ang puso mo? Naririnig ba ang salita ng Diyos? Ang puso mo ba sumasagot ng may katapatan sa Diyos? Nababasa ng Diyos ang ating puso. Sa piging puwede tayong mangako ng magagandang bagay pero nababasa ng Diyos ang laman ng puso. Sa puso manggagaling ang ating pagbabago, ang ating pakikipagtipan sa Diyos, ang ating katapatan sa kanya. Kaya alagaan po ang mga puso, at alagaan natin ang puso ng bawat isa, para ang puso natin ang pagmulan ng ating katapatan.
Tayo po’y tumahimik sandali at buksan an gating puso sa Diyos humingi tayo ng patawad sa kakulangan natin, ng katapatan sa kanya at umasa tayo na kanyang lilinisin ang ating puso at ilalagay ang kanyang salita.