189 total views
Nanawagan ang grupong Rise Up for Life and for Rights na paigtingin pa ang kampanya laban sa karahasan at paglabag sa karapatang pantao o human rights violation sa Bansa.
Ginawa ni Rev. Fr. Gilbert Billena, Spokesperson ng Rise Up for Life and for Rights ang panawagan kaugnay sa paggunita ng unang taon ng pagkakapaslang ng mga pulis sa 17-taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos sa Caloocan City.
Ayon sa Pari, mas timitindi pa ang nagaganap na karahasan sa bayan kaya’t naaangkop lamang na mas paigtingin pa ang kampanya upang bigyang halaga ang respeto sa dignidad at buhay ng bawat tao.
Muli ring nanawagan si Father Billena kay Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan na ang serye ng pagpaslang hindi lamang sa mga hinihinalang may kaugnayan sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot kundi maging sa mga pinaghihinalaang nakagawa ng krimen sa lipunan.
“Sa tingin namin tumitindi pa yung human rights violations against sa mga yung mga former drug dependents o kaya kahit mga hindi kasama nun, itong War on Drugs ay nabibiktima din so sa tingin po ng Rights Up talagang mas paigtingin pa ang kampanya laban sa human rights violations at karahasan at manawagan talaga na yung stop the killings at pagrespeto talaga ng dignidad ng tao dahil hindi naman naso-solve ang problema ng drug menace sa ating bayan, sa ating bansa sa pamamagitan ng karahasan…” pahayag ni Father Billena sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaang ika-16 ng Agosto noong nakalipas na taon ng mapaslang ng mga otoridad ang 17-taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos na sinasabi ng mga otoridad na isang Drug runner.
Sinasabing nakipagbarilan ito sa kawani ng Caloocan City police sa Barangay Santa Quiteria na taliwas naman sa mga nasaksihan ng ilang mga residente at naidokumento ng CCTV sa lugar.
Iginiit ng Pari na bumagal lamang ang pagtaas ng kaso ng patayan sa bansa ngunit nagpapatuloy pa rin ito lalo na sa mga malalayong lalawigan.
Ibinihagi ni Father Billena ang pagkakapaslang sa isa nilang volunteer sa Cebu ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Dahil dito, binigyang diin ng Pari na hindi dapat na balewalain ang mga kaso ng karahasan partikular na ang patuloy na mga paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan.
“Sa tingin po ng Rise Up for Life and for Human Rights medyo may pagbagal nung mga patayan pero sa totoo lang po ay tuloy tuloy pa rin yung mga patayan sa different areas kung titingnan po natin sa Cebu ay may isang volunteer nga po tayo na napaslang doon so mas tumitindi pa yung human rights violation…” Dagdag pa ni Father Billena.
Kaugnay nito noong ika-8 ng Agosto ay binaril ng hindi nakikilalang salarin ang 42-taong gulang na human rights advocate at Rise Up-Cebu volunteer na si Butch Rosales sa loob ng kanyang sinasakyang Jeep sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Naunang nilinaw ng Simbahan ang pakikiisa sa layunin ng pamahalaan na magdulot ng malaking pagbabago sa lipunan ngunit iginiit na hindi maaring idaan sa shortcut o pagkitil sa buhay ang paghahanap ng solusyon sa suliranin ng bansa sa illegal na droga.
Batay sa datos ng mga human rights group, umaabot na sa 23-libo ang napapatay sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.