174 total views
Dismayado ang Promotion of Church Peoples Response sa kawalan pa rin ng katarungan sa pagkamatay ng 17-taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos sa Caloocan City makalipas ang isang taon.
Ayon kay PCPR Spokesperson Nardy Sabino, ang kawalang katarungan sa nasabing kaso ay nagpapakita ng umiiral na state of impunity sa bansa kung saan walang napaparusahan.
Iginiit ni Sabino na hindi mawawakasan ang mga kaso ng pagpaslang o mga extra judicial killings sa bansa kung sa halip na kasuhan at parusahan ang mga alagad ng batas na inabuso ang kanilang posisyon ay pupuriin pa ang mga ito at itataas ang kanilang mga ranggo.
“Nakakalungkot, nagpapakita ito o nagpapalakas ng impunity sa bansa na imbes na maparusahan sila ay tumataas ang kanilang ranggo at napupuri pa sila, kaya ito yung panawagan din natin sa administrasyon na paano matitigil yun pagpaslang kung binibigyan pa ng pagkakataon umangat yung mga namumuno dun sa ating mga pulis na gumagawa ng pagpaslang…” pahayag ni Sabino sa panayam sa Radyo Veritas.
Ikinalulungkot ni Sabino ang kawalang katarungan sa pagkamatay ng binatilyo sa kabila ng testimonya ng mga saksi at kuha sa CCTV Camera kung saan sangkot ang mga pulis Caloocan.
Ika-16 ng Agosto noong nakalipas na taon ng mapaslang ng mga otoridad ang 17-taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos na sinundan pa ng mga kaso ng pagpaslang sa dalawa pang binatilyong sina Carl Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman.
Kasunod nito ay tinanggal sa posisyon ang halos buong puwersa ng Caloocan City Police kabilang na sina Northern Police District Director Chief Supt. Roberto Fajardo, Caloocan City PNP chief Senior Supt. Chito Bersaluna at ang Hepe noon ng Santa Quiteria precinct na si Chief Inspector Amor Cerillo kasama na ang lahat ng mga pulis sa nakasasakop na presinto.
Gayunpaman, makalipas lamang ang isang taon ay tumaas ang ranggo at katungkulan ng mga ito.
Sa kasalukuyan ay opisyal na ng NPD Operations Office si Cerillo, si Fajardo naman ay Direktor na ng PNP Highway Patrol Group habang si Bersaluna naman ay nagsisilbi ng Provincial Director ng PNP-Bulacan.
Matatandaang mariing kinundina ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang marahas na sinapit ng tatlong binatilyo sa kasagsagan ng anti-ilegal drug operations ng mga alagad ng batas sa siyudad.