300 total views
Nagbibigay ng ‘Certification’ ang mga Airline Company katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na stranded sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Ito ay bunsod sa pagkakaantala ng mga flight dulot ng pagsadsad sa ‘Run Way’ ng Xiamen Air Boeing 737-800 sa NAIA na nakaapekto sa higit 30 libong mga pasahero ng paliparan.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, ang Certification ay bilang katibayan sa nangyaring insidente na dahilan ng pagkakaantala ng mga pasahero sa NAIA ng may 48 oras.
“We will even look into or monitor yung pagbibigay ng mga proofs or certification ng airline na nangyari nga ito that they will handed over written certification para may dala ang mga OFW na proof na hindi naman sila masisante,” ayon kay Cacdac.
Tumulong din ang OWWA sa pag-alalay sa mga pangangailangan ng OFW at ilang pang mga pasahero na stranded sa paliparan tulad ng pagkain at pangangailangang medical.
Sa ulat umabot sa 36 na oras bago natanggal sa runway ang eroplano bagama’t hindi agad naibalik sa normal ang operasyon ng paliparan.
Inihayag ni Cacdac na nakipagtulungan sila sa mga recruitment agency para sa pakikipag-ugnayan sa mga employer ng mga apektadong OFW maging ang pag-rebook ng kanilang mga flight.
Ilang OFW’s ang pansamantalang binigyan ng accomdation sa ilang hotel malapit sa paliparan.