166 total views
Nararapat na kumunsulta at magpatingin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa isang pain specialist upang matulungan sa kanyang idinaraing na sakit.
Ito ang payo ni Dr. Luzviminda Kwong, Pain Management Specialist, Anesthesiologist at dating Presidente ng Pain Management of the Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos aminin ang nararanasang “perpetual pain” o walang tigil na pananakit sa kanyang gulugod mula ng maaksidente sa motorsiklo.
Ayon kay Dr. Kwong, sadyang mahirap para sa isang indibidwal na kumilos at gumawa iba’t-ibang gawain kung mayroong nararamdamang sakit kaya naaangkop na kumunsulta ang Pangulo sa mga eksperto upang maagapan ang kanyang sakit.
“Ang advice ko nga sana dapat our President should be consulting a pain specialist to help him, para mas maka-function siya kasi parang ang hirap mag-function kapag may masakit pero you have to do it…” pahayag ni Dr. Kwong sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaang inamin ng Pangulong Duterte ang kanyang pag-inom ng Fentanyl na isang matinding pain killer subalit pinatigil ng kanyang doktor ng malamang dinoble niya ang kanyang prescribe medication.
Ipinaliwanag ni Dr. Kwong na ang Fentanyl ay halos kasing lakas ang epekto sa Morphine na ginagamit sa mga pasyenteng dumaranas ng severe pain tulad na lamang sa mga Cancer patients, mga katatapos lamang na operahan, mga mayroong acute trauma at chronic severe back pain.
“Same thing as Morphine it has a strong opioids but Fentanyl comes in a patch and I.V., so it is use for severe pain like acute trauma, post operative saka yung mga Cancer patients saka yung mga chronic severe back pain ginagamit din yan…” paglilinaw ni Dr. Kwong.
Magugunitang sinabi ng Pangulong Duterte sa mga nakaraang talumpati na ang kanyang pag-inom ng Fentanyl ay upang maibsan ang pananakit sa kanyang spine ng maaksidente sa motorsiklo noong siya ay 68-taong gulang.
Samantala, sa ilalim ng Article 7 ng Saligang Batas, sakaling may karamdaman at hindi na kayang gampanan ng Pangulo ang kanyang tungkulin bilang Punong Ehekutibo ay maaring pumalit ang bise presidente upang gampanan ang tungkulin bilang isang Pangulo.
Dahil dito, mariin ang panawagan ng mga mamamayan at ng iba’t ibang institusyon sa pamahalaan na maging tapat sa tunay na kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Duterte.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan ay mayroong karapatan ang mga mamamayan na malaman ang tunay na katotohanan sa mga isyu at usaping panlipunan sapagkat maaring may direktang epekto ito sa buhay ng bawat mamamayan.