184 total views
Mariing tinututulan ng grupo ng mangingisda ang hakbang ng Pamahalaan na umangkat ng isda.
Ayon kay Fernando “Ka Pando” Hicap, Pangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA, hindi pag-angkat ang tugon sa mataas na presyo ng isda sa mga pamilihan kundi dapat palalakasin ng pamahalaan ang mga programang sumusuporta sa mga Lokal na mangingisda sa bansa.
“Tutol ang PAMALAKAYA, hindi ito ang solusyon dun sa kanilang artipisyal na paliwanag na mayroon tayong kakulangan sa suplay ng galunggong sa ating Bansa.” pahayag ni Hicap sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Hicap na kung kapos ang suplay ng galunggong sa bansa ay marami pang uri ng isda na maaring kapalit nito na matatagpuan sa karagatan sa Pilipinas.
Sinabi ni Hicap na malaki ang maging epekto ng importation ng galunggong sa mga maliliit na mangingisda at mamimili.
Magugunitang inihayag ng Department of Agriculture na mag-aangkat ng 17, 000 metriko toneladang galunggong upang mapanatili ang suplay ng isda sa mga pamilihan kung saan ito ay nababawasan dahil sa ipinatupad na polisiya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na paglilimita sa commercial fishing vessels na makapangisda sa mga municipal waters.
Hinimok pa ng grupo ang pamahalaan na dapat may control ito sa pagtatakda ng presyo ng isda sa mga palengke upang mapigilan ang pananamantala ng ilang pribadong negosyante ng isda na nagpapataw ng mataas na presyo.
Sa pagtaya ng grupo, mayroong mahigit sa 200 uri ng isda ang matatagpuan sa karagatan sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Hicap na ikinabahala rin ng grupo na magbubukas ito ng panibagong hamon sa sektor ng pangingisda partikular ang iligal na pagpasok ng mga isda mula sa karatig Bansa.
Umaasa ang grupo na pag-aralan ng Administrasyon ang mga polisiya bago ito maipatutupad at konsultahin ang mga maapektuhang sektor.
Sa panlipunang turo ng Simbahang Katolika dapat isaalang – alang ng pamahalaan ang mga reporma at polisiyang ipatutupad upang mapanatili ang pagpapahalaga sa bawat mamamayang nasasakupan.