202 total views
Magandang hakbang ng Pamahalaan ang isinusulong sa Senado na pagkakaroon ng 14th month pay sa mga manggagawa sa bansa.
Ito ang inihayag ni Atty.Jose Sonny Matula, National President ng Federation of Free Workers kaugnay sa isinusulong na Senate Bill No. 2 o ang 14th Month Pay Law na iniakda ni Senate President Vicente Sotto III.
“Magandang proposal yun, para sa amin isang positibong hakbang para ma-improve yung capacity ng mga manggagawa yung Purchasing Power nila.” pahayag ni Matula sa Radio Veritas.
Naniniwala si Matula na kapag nadadagdagan ang kikitain ng mga manggagawa ay makatutulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa dahil bumibili rin ito ng mga produkto.
Binigyang pansin naman ng FFW ang kapasidad ng isang Kumpanya na magbayad ng karagdagang sahod sa mga manggagawa.
RA No. 11058
Kinilala rin ng FFW ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Occupational Safety and Health Standards Law na naglalayong matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa sa lugar ng kanilang pinagtatrabahuan.
Tiniyak ni Matula na susuportahan ng mga manggagawa ang nilagdaang batas sa pamamagitan ng pagbuo ng Occupational Safety and Health committees sa mga pagawaan na maging aktibo sa pagbabantay kung naipatutupad ang nasabing batas.
Nasasaad sa RA 11058 na nilagdaan ng pangulo noong ika-17 ng Agosto ang pagpapataw ng parusa sa mga kumpanyang lalabag dito tulad ng pagmumulta ng hanggang 100, 000 piso.
4-Day Work Week
Iginiit naman ng Federation of Free Workers na hindi makalulutas sa sitwasyon ng mga manggagawa sa bansa ang isinusulong na apat na araw ng pagtatrabaho.
Ayon kay Matula lalong mawawalan ng sapat na oras ang mga manggagawa sa kani-kanilang pamilya dahil kaakibat ng 4 na araw trabaho ay ang sampung oras na ilalaan sa pagtatrabaho mula sa kasalukuyang walong oras.
Binigyan diin ni Matula na dapat mahanapan ng solusyon ng pamahalaan ang tumitinding pagsikip sa daloy ng trapiko sa Metro Manila tulad ng pagsasaayos ng mass transport system gaya ng LRT at MRT.
Sa katatapos na pagtitipon ng International Labor Organization, lumabas sa isang pag-aaral na nakasasama sa kalusugan ng tao ang mahabang oras ng pagtatrabaho kaya’t higit na isinusulong ng grupo ang walong oras na pagtatrabaho upang mapangalagaan ang kalusugan ng bawat manggagawa.
Nilinaw ng grupo na mas productive ang mga manggagawa kung may sapat na oras ang bawat isa na makapagpahinga at hindi naaabuso ang katawang pisikal at pangkaisipan.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority noong Enero 2018, mahigit sa 70 milyon ang mga manggagawa sa bansa kung saan pinakabata dito ay nasa edad 15 taong gulang.
Sa ensiklikal ni St. John Paul II na Laborem Excercens, mahalagang isaalang – alang ng bawat mamumuhunan ang kapakanan, karapatan at dignidad ng bawat isa na nagsusumikap maghanap buhay para sa kanilang pamilya.