292 total views
Mananatili ang suliranin ng bigas sa bansa dahil sa kawalang malinaw na polisiya ng pamahalaan.
Ito ang tugon ng grupong Bantay Bigas kaugnay sa panawagan ng ilang mambabatas na alisin ang National Food Authority dahil hindi nagagampanan ang tungkulin na panatilihin ang presyo at suplay ng bigas.
Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupo, walang epekto ang pagtanggal sa nasabing ahensya sa kasalukuyang krisis ng bigas na kinakaharap ng bansa.
“Kahit araw-araw pa nilang palitan ang NFA at DA ay hindi mababago yung problema hangga’t hindi pinapalitan mismo yung sistema kung paano resolbahin ang kakapusan, ang krisis natin sa Agrikultura.” pahayag ni Estavillo sa Radio Veritas.
Ayon kay Estavillo, maliit ang inilaan na budget para sa NFA upang makabili ng palay sa mga magsasaka kaya walang direktang epekto kung sakaling tuluyang maalis ang ahensya.
Aniya, dapat bigyang pansin ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapalawak sa mga programang pang-agrikultura at tutukan ang sektor ng pagsasaka upang magiging sapat at mapanatili ang suplay ng bigas para sa mga Filipino.
Batay sa pagsaliksik ng Bantay Bigas may 4.3 milyong ektarya ang lupang sakahan sa buong bansa kung saan mahigit 3 milyon dito ay irrigable land ngunit 53 porsiyento lamang ang naaabot ng irigasyon habang ang iba ay umaasa sa tubig ulan.
Magugunitang nanawagan ang ilang mambabatas sa pangunguna ni Senator Cynthia Villa ang Chairperson ng Senate Committee on Agriculture na alisin ang National Food Authority dahi sa bigong gampanan ang mandato nito sa bayan.
Sa isang mensahe ni Pope Francis iginiit nitong mahalaga ang sektor ng pagsasaka sa pagsulong ng bawat komunidad dahil sa ambag nito sa ekonomiya ng isang bansa.