535 total views
Isa sa mga masasabi nating hindi magandang bahagi ng kulturang pulitikal (o political culture) sa Pilipinas ay ang pagtuon natin sa mga personalidad sa halip na mga plataporma o isyung nais tugunan ng mga nais tumakbo para sa anumang posisyon sa pamahalaan.
Nitong mga nakalipas na araw, nakita natin ang mga pagbubuo ng alyansa ng mga pulitikong nagsisimula nang maghanda para sa halalan sa susunod na taon. Gaya ng naging pangako ni Pangulong Duterte noong nangangampanya siya, change o pagbabago raw ang ibibigay ng mga pulitikong ito sa mga Pilipino. Ngunit napakahirap makitang “pagbabago” nga ang dadalhin ng mga pulitikong iyon dahil sila-sila rin naman ang magkakasama. Marami sa kanila, galing sa mga political dynasties na sa mahabang panahon ay kontrolado ang kapangyarihan sa kani-kanilang probinsya at bayan. May mga galing pa nga sa pamilya ng mga mandarambong, magnanakaw, at yumurak sa karapatang pantao, at nananawagan ngayon ng pag-move on. Kung may bago man sa kanila, siguro ay iyong mga wala namang malinaw na karanasan sa pagbubuo ng batas o walang malalim na kaalaman tungkol sa mahusay na pamamahala. Ang tanging nalalaman ng mga tao tungkol sa kanila ay ang kanilang pagkanta o pag-arte sa pelikula.
Ngunit ang malinaw, wala sa kanilang may pakialam sa malawakang paglabag sa karapatang pantao ng libu-libong napapatay na dahil sa kampanya ng pamahalaan kontra droga. Wala sa kanilang kumikibo sa patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Wala sa kanilang umiimik sa pagpapatahimik sa mga alternatibong boses sa pamahalaan, sa media, at sa lipunan. Pagbabago ba talaga ang kanilang dala-dala?
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang mahahalagang katangian ng mga lider na ginaganap ang kanilang bokasyong pamunuan ang mga mamamayan nang sang-ayon sa Mabuting Balita at mga turo ng Simbahan. At ang mga ito ay nakatungtong sa mga mahahalagang prinsipyo ng ating pananampalataya. Anu-ano ang mga ito?
Una, may paggalang sa angking dignidad at karapatan ng lahat ng tao, walang pinipili, walang pinapaboran. Ang mga lider na tunay na naglilingkod ay may pantay na pagtingin sa mga pinamumunuan niya—mayaman man o mahirap, kriminal man o inosente, babae man o lalaki, lahat may karapatang pinagsusumikapan nilang itaguyod at pangalagaan laban sa pang-aabuso.
Ikalawa, pinagpupunyagian ang pag-iral ng kalayaan (o freedom) at katarungan (o justice). Ang mga lider na inuuna ang kapakanan ng taumbayan ay hindi sinisiil ang kalayaan ng mga tao kahit pa ang kanilang mga sinasabi ay pagpuna sa mga ginagawa ng mga nasa kapangyarihan. Ang mga lider na bayan ang pinaglilingkuran ay isinasantabi ang interes ng kanyang pamilya at kakampi sa pulitika upang ang mga pinakakaitan ng katarungan ay nakikinabang sa kaunlaran ng bansa.
Ikatlo, naniniwala sa kakayahan ng mga taong tugunan ang kanilang mga pangangailangan (o ang tinatawag nating prinsipyo ng subsidiarity) at nagagawang pukawin ang pagtutulungan (o cooperation) ng mga mamamayan. Sa madaling salita, ang mga epektibong lider ay iyong mga hindi kinokontrol ang bawat kilos at hakbang ng mga tao sa kani-kanilang bayan o pamayanan. Ang mga epektibong lider ay tumatayong halimbawa ng mahusay na pamamahalang mahalaga upang magtiwala ang taumbayan at kumilos din para sa kapakanan ng kanilang kapwa.
Sa isang banda, ang mga katangiang ito ay taglay ng mga taong maituturing nating bayani—mga taong kumikilos hindi lamang para sa sarili kundi para sa kanyang kapwa, lalo na ng mga mahihina at inaapi. Ngayon ay Araw ng mga Bayani o National Heroes Day, at magandang okasyon ito upang pag-isipan natin kung sa mga lider natin sa pamahalaan o sa mga nais maging lingkod-bayan, mayroon ba kanilang maituturing na “bayani”?
Naghihintay ang bayan ng mga bayani, ngunit sa kalagayan natin ngayon, baka wala sa mga nasa poder ang hinahanap natin. Ang mga bayani ay nasa paligid lamang natin.
Sumainyo ang katotohanan.