154 total views
Limangpung libong indibidwal mula sa Ilocos Region at Cordillera Administrative Region (CAR) ang nanatiling apektado ng habagat simula noong nakalipas na linggo.
Sa panayam ng Veritas Pilipinas, sinabi ni Director Edgar Posadas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) may labing isang Evacuation Centers ang Pamahalaan para sa mga residenteng nanatiling lubog sa baha na una na ring naapektuhan ng mga naunang sama ng panahon.
Dulot pa rin ng habagat, naitala kahapon ang 25 pagguho ng lupa sa Ilocos at sa Cordillera.
Dagdag pa ng NDRRMC, 36 na mga bahay ang nasira ng habagat, 78 lugar ang nanatiling may baha habang 51 lansangan ang hindi madaanan sa Ilocos at CAR regions.
Sa mga nakalipas na linggo, tuloy-tuloy na apektado ng habagat ang Ilocos region kung saan isinailalim na sa State of Calamity ang lalawigan ng Ilocos Norte.
Una na ring hinikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, pangulo ng Caritas Internationalis ang mamamayan na kasabay ng pananalangin para sa kaligtasan tuwing kalamidad ang pag-abot ng tulong sa mga nangangailangan.