658 total views
Mga Kapanalig, Isinapubliko noong isang linggo ang resulta ng dalawang taóng imbestigasyong isinagawa ng grand jury sa Pennsylvania sa Estados Unidos kaugnay ng mga sekswal na pang-aabusong kinasangkutan ng mga pari roon. Ayon sa report, mahigit isanlibong kaso ng sexual abuse ang naganap sa anim na diyosesis sa Pennsylvania sa nakalipas na pitong dekada mula noong 1947. Mahigit 300 pari ang sinasabing sangkot at ayon pa sa grand jury, dapat ding papanagutin ang mga opisyal ng Simbahang pinagtakpan ang mga kaso ng pang-aabuso.
Matagal nang kinakaharap ng Simbahan ang isyu ng sekswal na pang-aabuso ng mga pari. Ngayong taon lamang, malaking balita ang pang-aabuso ng ilang pari sa Australia at Chile at ang pananahimik ng mga obispo roon. Sa Amerika, humantong sa pagkakatanggal ng isang prominenteng arsobispo sa College of Cardinals ang kanyang pang-aabuso sa isang binatang sakristan at iba pa. Kaliwa’t kanan din ang mga imbestigasyong ginagawa sa mga seminaryo sa Boston at Nebraska. Noong isang taon dito sa Pilipinas, may isang paring kinasuhan ng qualified human trafficking nang tangkain niyang isama sa motel ang isang babaeng menor de edad.
Hindi bulag ang ating Simbahan sa masakit na katotohanang ito, kaya naman nagpupursigi itong magpatupad ng mga repormang tutuldok sa kasamaang ito. Sa Amerika, halos wala nang kaso ng pang-aabuso ang naiulat sa mga diyosesis mula noong 2002 kung kailan naging mahigpit ang United States Conference of Catholic Bishops o USCCB sa pagdidisiplina ng mga paring sangkot sa sexual abuse. Agad nilang isinusumbong sa pulis ang mga paring nananamantala at tinatanggal sa kanilang puwesto sa diyosesis ang mga akusadong pari. Dito naman sa Pilipinas, mayroon tayong Pastoral Guidelines on Sexual Abuses and Misconduct by the Clergy na inilabas noong 2003 ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP. Nakapaloob sa patnubay na ito ang mga nararapat na tugon ng mga opisyal ng Simbahan sa mga kaso ng sekswal na pang-aabuso ng mga pari. Para sa mga biktima, inaasahan ang Simbahang magbigay ng pastoral care at pangunahan ang paghihilom sa mga naapektuhan sa komunidad. Para naman sa mga paring nagkasala, bibigyan din sila ng pastoral care na akma sa kanilang kalagayan at papatawan ng kaparusahang batay sa bigat ng kasalanang kanilang nagawa. Inaantabayanan natin ang aprubadong revised version ng pastoral guidelines na isinumite ng CBCP sa Vatican.
Ayon kay Pope Benedict XVI, nagmumula ang aniya’y “greatest persecution” o pinakamatinding pagpapahirap sa Simbahan, hindi sa labas nito, kundi sa kasalanang nagmumula sa loob mismo nito. Sa panlipunang turo ng ating Simbahan, itinuturing na pangunahing tungkulin ng mga obispo—katuwang ng mga pari, ng mga relihiyoso, at maging ng mga layko—ang pagdadala ng liwanag ng Mabuting Balita sa lahat ng pangyayari sa lipunan. At malaking balakid sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ang pananahimik at pagtatakip sa kamalian ng mga ating mga pastol. Ang pagkakasangkot sa sekswal na pang-aabuso at pagkukubli sa mga ito ay isang pagtataksil, hindi lamang sa kawang nagtitiwala sa mga pari, kundi maging sa sakripisyong ginawa ni Hesus na kanilang kinakatawan.
Panghawakan natin ang sinabi ni Pope Francis sa kanyang liham noong isang linggo: “Mahalaga para sa ating Simbahan ang kilalanin at kundenahin, nang may pagdadalamhati at pagpapakumbaba, ang mga kamalian ng mga pari at relihiyoso… Makatutulong ang pagkilala sa mga kasalanang ito sa pagtutuwid sa mga kamalian, sa paghihilom, at sa pagpapanibago.”
Mga Kapanalig, humihingi ang Simbahan ng kapatawaran sa lahat ng mga naabuso. Tumatangis tayo kasama nila. Nawa’y hindi mawala ang ating tiwala at pag-ibig sa Simbahan sa kabila ng mga kontrobersiyang yumayanig dito. Maging daan sana ito upang mag-alab ang kagustuhan ng bawat mananampalatayang magbago at maging bahagi ng pagtutuwid sa mga mali sa loob ng ating Simbahan.